Marcos ‘walang gagawing tama’
Para sa mga demolition men na laban kay President Bongbong Marcos, lahat nang gagawin niya, kahit maganda ay “mali at tiwali”. Hindi perpekto si Marcos Jr. pero huwag namang butasan ang mga mabuting nagawa niya.
Maraming katiwalian din naman ang tinutuligsa ko sa administrasyong ito pero kailan man, hindi ako bumabanat nang wala sa lugar. Pumupuna lang ako ng mga baluktot na dapat ituwid.
Natutuwa ako sa administrasyon at nakapuntos nang napakalaki sa pagkakatimbog nang pinakamalaking halaga ng shabu na umaabot sa P13.3 bilyon. Track record iyan at dapat lang purihin ang dapat purihin.
Sabi ng Presidente nagawa ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mapayapang paraan at wala ni isang buhay na nasakripisyo. Hindi katulad ng nakalipas na administrasyon na bago makakumpiska ng katiting na droga ay makakapatay pa ng mga sinasabing “nanlaban” sa mga pulis.
Bumanat ang isang blogger na pro-Duterte. Bakit daw nakalusot ang malaking kargamento ng droga at bumiyahe pa at dumaan sa checkpoint sa Batangas? Aba e, hindi ba nahuli nga? Nasa puwet yata ang utak ng blogger na ito!
At bakit daw PDEA lang ang kasama sa operasyon at wala ang ibang ahensiya tulad ng Customs? Bakit daw hindi idinetalye kung saan nanggaling ang epektos at bakit walang mga personalidad na kasangkot ang inihayag? Ipinahihiwatig ng blogger na ito na “drama lang ang operasyon” para ipakitang may nagawa si Marcos.
Ganyan katindi ang away-pulitika sa bansa ng mga minamadali ang pag-goodbye ni Marcos para sila’y bumalik sa kapangyarihan. Hahanap at hahanap ng butas upang manira ng ibig wasakin. Kapag walang makitang butas, mag-iimbento.
- Latest