Mahirap bang maintindihan?
Ano ba ang mahirap maintindihan hinggil sa kung sino lang ang pwedeng gumamit ng EDSA Bus Lane? Ililista ko na lang ulit dito: Mga otorisadong bus ng LTO at LTFRB na gumamit ng EDSA Bus Lane, mga naka-duty na ambulansiya, bumbero, at sasakyan ng PNP na rumeresponde sa emergency, mga sasakyang ginagamit para sa EDSA Busway project, convoy ng Presidente, convoy ng Bise Presidente, convoy ng Senate President, convoy ng Speaker of the House of Representatives at convoy ng Chief Justice ng Supreme Court.
Ang mga ito lang ang mga pwedeng gumamit ng EDSA Bus Lanes. Hindi puwede mga senador, mga kongresista at kung sino pang opisyal ng gobyerno, mas lalo naman mga pribadong mamamayan. Pati mga sundalo at mga kamag-anak nila, hindi puwede. Kailan lang ay ilang insidente ng mga hindi otorisadong gumamit ng EDSA Bus Lanes ang naganap.
Isa na rito ay ang paggamit ng sasakyang may plakang “7” kung saan hindi naman pala nakasakay ang senador. Drayber lang pala ang may dala ng sasakyan, pero dahil “7” ang kanyang plaka ay naisip na dapat payagan siyang gumamit ng EDSA Bus Lane. Kaso ng ibong nakapatong sa baka ay akala siya na ang baka.
May nahuli pang babae na nagpakilalang kamag-anak ng heneral sa PNP at miyembro daw ng AFP. Lumalabas na hindi pala kamag-anak at hindi rin miyembro ng AFP. Ano ang inisip ng babaeng ito?
Sana ay magpatuloy ang ginagawa ng mga nakabantay sa EDSA Bus Lanes na hindi matitinag kapag nakahuli na naman ng magpapakilalang ganoon at ganyan. Alam nila kung sinu-sino lang ang pwedeng gumamit, wala nang iba. Kailangan mahuli ang mga umaabuso sa kani-kanilang posisyon sa gobyerno at sa buhay.
Ipinagbawal na rin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang paggamit ng mga opisyal ng gobyerno ng sirena at ilaw para mabigyan ng pribilehiyo sa trapik. Pinabawasan na rin ni Marcos kung sino ang puwedeng bigyan ng protocol plates. Naaabuso na rin kasi ang paggamit ng mga mababang numerong plakang ito, tulad nga ng ginawa sa EDSA Bus Lane.
Ang natanggal sa listahan ay ang mga associate justices na may numerong “16” na plaka. Ngayon, hanggang numero “14” na lang ang mga protocol plates. Ang protocol paltes ay para lamang sa mga kasalukuyang nasa gobyerno. Kapag wala na, dapat isinusuko ang mga plakang ito. Dapat lang.
Sana ay ipatupad nang husto ang mga bagong patakarang inutos ng pangulo. Nasa tamang direksiyon ito. Nas kultura ng Pilipino na kapag nasa poder ay lahat ng klaseng pribilehiyo ay dapat ibinibigay sa kanila. Kailangan matigil na iyan. Hindi ba nga dapat ang nasa gobyerno ay sumisilbi sa taongbayan, at hindi kabaliktaran?
- Latest