China hinihiwalay ang sarili sa mundo
“Hindi natin kailangan ng isa pang gulo sa mundo.” Pahayag ‘yan ni German Foreign Minister Annalena Baerbock nu’ng bumisita siya sa Pilipinas nu’ng Enero. Tinukoy niya ang lumalalang tension sa South China Sea. Binatikos ang agresyon ng China sa pangingisda ng mga Pilipino at pag-supply ng Marines sa sariling exclusive economic zone.
Wag na raw dagdagan ng China ang mga sakit ng ulo ng mundo, aniya matapos makipagpulong kay Foreign Sec. Enrique Manalo. Matindi na ang bakbakan ng Russia at Ukraine, at Israel at Palestine. Tapos ginigimbal pa ng China ang katahimikan at ekonomiya sa SCS, sa gitna ng Indian at Pacific Oceans.
Dapat sumunod ang mundo sa mga alituntunin, aniya. Halimbawa, sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea na nagtatakda ng EEZ ng bawat bansa. Nariyan din ang 2016 pasya ng Permanent Court of Arbitration na labag sa UNCLOS ang pag-agaw ng China sa Panatag Shoal, Panganiban Reef, at iba pang mga bahura ng Pilipinas.
Nauna ‘ron, nagpaalala rin ang Association of Southeast Asian Nations sa China: ‘wag daanin sa banta o dahas ang anumang ‘di pagkakaunawaan sa ibang bansa. Ayaw ng sampung miyembro ng ASEAN magkagulo sa rehiyon.
Malimit din binabalaan ng Amerika ang China: tutulong ito sa Pilipinas kapag inatake ang anumang sasakyan o pasilidad ng gobyerno. Nabubwisit na rin ang ibang mga bansang karatig ng SCS. Susuporta raw ang Japan, Korea, Australia at New Zealand kontra pambu-bully ng China. At nagbenta ang India ng missiles sa Pilipinas.
Naiinis din sa China ang Britain, France at Canada. Nabubulabog ang kalakalang pandagat nila ng pag-aangkin ng China sa buong SCS.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest