Huling-huli na
Iimbestigahan daw ng DILG task force kung paano nakapagtayo ng resort sa Chocolate Hills sa Bohol. Nadiskubre kailan lang (kaya?) ang Captain’s Peak Garden and Resort sa may gitna ng paanan ng Chocolate Hills. May swimming pool pa. Ang nasabing lugar ay protektado batay sa deklarasyon ng UNESCO noong June 18, 1988. Ito ang pangatlong National Geological Monument ng Pilipinas. Kaya hindi ito dapat tinatayuan ng anumang negosyo o gusali’t imprastrakturang may komersyal na layunin.
Kitang-kita nga sa mga kuha ang masamang lokasyon ng nasabing resort. Sinira lang ang protektadong lugar. Kaya ayan, may task force na ang DILG para malaman kung paano ito pinayagan, o kung pinayagan ba at kung sinu-sino ang responsable. Nangako ang DILG na mananagot ang sinomang opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagtatayo ng nasabing resort. Kakasuhan daw sila sa Ombudsman.
Ewan ko pero natatawa na lang ako sa mga pangyayari. Wala itong pinagkaiba sa “pagkadiskubre” ng mga marangyang pamumuhay ng mga bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) noon kung saan may mga “nadiskubreng” jacuzzi, music recording studio at kumpletong instrumento pang banda, may aircon ang mga “kulungan” nila, kumpletong kusina, may mga TV, sound system, home theater at cellphone ang mga kilalang malalaking kriminal.
Paano nakapasok ang lahat na ito na hindi kasabwat ang mga guwardiya at opisyal ng NBP? May darating na trak ng appliances, trak ng materyales para sa pagtayo ng jacuzzi, ng studio sa NBP, walang nagtanong? May nanagot nga ba dyan? May mga nakasuhan, nakulong? Parang wala yata.
Kitang-kita pa sa kuha mula sa ere kung gaano kahirap makapasok ang lahat ng klaseng trak na nagdala ng materyales sa Chocolate Hills. At inamin ng DENR na naglabas sila ng Temporary Closure Order (TCO) sa resort noong Setyembre ng nakaraang taon at Notice of Violation itong Enero lamang, pero mukhang hindi ito pinansin ng resort. May malakas na padrino sa Bohol? Inamin din ng Department of Tourism na wala silang akreditasyong magpatakbo ng lugar para sa turista. Lahat ng klaseng paglalabag ginawa ng resort na ito pero nakapagtayo at nakapagnegosyo pa. Kung hindi ito kumalat sa social media baka nakapagpatuloy pa. Mas malakas na ba ang social media sa gobyerno ngayon?
Kaya natatawa na lang ako sa task force na ito. Huling-huli na kayo. Baka sinira na lahat ng ebidensiya. Baka nagtago na mga dapat managot, kung may makitang dapat managot. Mga kumpanyang nagtayo ng resort, baka binuwag na. Alam na kung ano mga isasagot o palusot sa DILG task force. Dapat noong naglabas ng TCO noong Setyembre ng nakaraang taon, may imbistigasyon na. Dapat may mananagot o kinasuhan na. Meron ba?
- Latest