EDITORYAL — Mas mabangis na La Niña, paghandaan
KUNG mabangis ang nananalasang El Niño sa bansa at puminsala na ng bilyong piso sa agrikultura, mas mabangis umano ang mararanasan sa nakaambang La Niña, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Karaniwan umano na ang kasunod nang mabangis at matinding El Niño ay malakas ding La Niña.
Huling nanalasa ang La Niña noong Nobyembre 2021 na nagdulot ng grabeng pag-ulan, baha at pagguho ng lupa. Ang malakas na La Niña ay naranasan noong 1999 kung saan walang patid ang ulan. Dahil sa pag-ulan, nagka-landslide sa Cherry Hills Subdivision sa Antipolo City na ikinamatay ng 58 tao.
Wala pang sinasabi ang PAGASA kung anong buwan, mananalasa ang La Niña subalit nagbabala na sila sa mga posibleng malalakas na ulan na magdudulot ng pagbaha at landslides sa mga lugar na tatamaan ng La Niña.
Ang La Niña ay isang weather phenomenon na mahaba ng panahon ng tag-ulan. Lumalamig ang temperatura ng silangang bahagi ng Pacific Ocean na nagiging dahilan para mabuo ang mga bagyo na magdudulot ng mga malalakas na pag-ulan.
Kahapon, umulan nang malakas sa maraming bahagi ng Metro Manila at sa mga kalapit probinsiya. Tatlong sunod na araw nang bumubuhos ang malakas na ulan tuwing hapon at sa gabi. Hindi pa panahon ng La Niña pero nakikita na ang kahaharaping problema sa baha. Kaunting buhos ng ulan, umaapaw na ang mga kalsada sa Maynila at hindi madaanan ng mga light vehicles. Sa Taft Avenue at España, Maynila, hanggang tuhod agad ang tubig baha.
Kahit walang La Niña, problema ang baha sa Metro Manila. Pinalulubha ito ng mga baradong drainage. Pawang mga basura ang nasa drainage kaya walang madaluyan ang tubig. Taun-taon sa panahon ng tag-ulan ay ganito ang senaryo sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya. Walang katapusang problema sa baha ang pinapasan ng mamamayan na hindi nila alam kung kailan matatapos.
Problema rin ang mga nakatira sa pampang ng estero na sa kasalukuyan ay parang mga kabuteng nagsulputan. Kapag bumaha, inaanod ang kanilang mga barung-barong at may mga namamatay sa pagkalunod. Hindi matapus-tapos ang problema sa informal settlers na tuwing may kalamidad ay pasanin ng gobyerno.
Kahapon, nakipag-meeting si House Speaker Martin Romualdez sa DPWH, DENR, DILG at MMDA upang masolusyunan ang pagbaha na idudulot nang paparating na La Niña. Tinalakay ang mga gagawing paghahanda.
Harinawang magkaroon nang maayos at may sistemang pamamaraan ang pamahalaan sa pagharap sa La Niña upang walang masayang na buhay.
- Latest