Digital skills training, libre sa Mandaue City!
MAPALAD ang mga kabataan mula sa Mandaue City na mapipiling mabigyan ng libreng pagsasanay sa digital skills. Ang ibig sabihin walang gagastusin kahit singkong duling ang mga magulang ng mga batang ito. E di Wow!! Ito ay matapos makipag-ugnayan ang advocacy group na Philippine Business For Education (PBEd) sa local na pamahalaan ng Mandaue sa pagpapatupad ng programang tinatawag na Future Skills Now (FSN). Noong nakaraang Pebrero, nagpirmahan ang PBEd at Mandaue local government sa pangunguna ni Mayor Jonas Cortes ng memorandum of agreement para sa pagpapatupad ng FSN na naglalayong mabigyan ng skills training at magkaroon ng trabaho ang mga kabataan.
Ang FSN ay bahagi ng global effort ng JP Morgan Chase upang maihanda ang mga kabataan sa trabaho sa hinaharap. Layunin ng programang FSN na matugunan ang kakulangan sa itinuturing na high-growth industries tulad ng IT-BPO, analytics, finance, health, creative and digital sectors. Ito ay nakatuong tulungan ang mahihirap na kabataan, edad 18 to 28, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangan work-based training at mentorship ng mga industry experts, na magbibigay ng pagsasanay upang sila ay maging handa sa trabaho. Base sa datos ng International Labour Organization (ILO) tinatayang 18 million trabaho sa Pilipinas ang nakatakdang ma-automate. Eh paano mapupunan ang milyones na trabahong ito kung hindi mabibigyan ng pagsasanay ang mga kabataang Pinoy.
“Upskilling and getting certified from accredited training programs gives young individuals a competitive edge in the labor market,” sabi ni PBEd executive director Justine Raagas. “By equipping them with in-demand digital and technical competencies, young individuals will be able to navigate and step foot in the professional world with more confidence and readiness,” dagdag pa nito.
Sa pilot-test ng FSN, 150 kabataan mula sa Mandaue City College ang masuwerteng nabigyan ng libreng pagsasanay sa digital skills at siyempre inaasahang makakukuha sila ng trabaho sa lalong madaling panahon. Kabilang sa mga pag-aaralan ng mga napiling kabataan ay digital literacy, data analytics, and generative artificial intelligence. Nose bleed ba kayo mga kosa sa mga topics? Kayang-kaya ng mga bata sa ngayon ‘yan, di ba mga kosa? Makikinabang din sa libreng pagsasanay ang mga kabataan mula sa SOS Children’s Village sa Cebu.
Pagkatapos ng skills training ay isasailalim ang mga kabataan sa digital-related job internship with Foundever Cebu, upang mapraktis ang kanilang bagong natutunan. “We’re fortunate to have PBEd as our partner in our goal of raising more productive citizens in Mandaue,” ani Cortes. “This is a promising opportunity not just for our Mandaue City College graduates, but the youth of Mandaue who will be assisted by our PESO. I see this collaboration, not just as simply providing basic education or skills training, but also providing greener pastures,” sabi pa ni Cortes. Abangan!
- Latest