EDITORYAL - Paghandaan, unti-unting pag-angkin ng China
Sa ginagawa ng China na pagharang sa mga barko ng Pilipinas sa tuwing magsasagawa ng resupply mission, ito ay tahasang pagpapakita ng kanilang pag-angkin sa teritoryong sakop ng Pilipinas. Lantaran na ang kanilang pag-angkin at ang sinumang pumasok sa inaangkin nilang teritoryo ay hindi nila hahayaan—gagamitan na nila ng “kamay na bakal”. Naghahatid ng pangamba na baka isang araw ay hindi na tubig ang pakakawalan ng China kundi totoong bomba na. Kailangang paghandaan ito ng pamahalaan. Pabigla-bigla ang desisyon ng China at sino ang makapagsasabi na baka tuluyan na nga silang gumamit ng pulbura.
Noong Huwebes, tinangka na namang harangin ng China Coast Guard (CCG) ang resupply mission sa Bajo de Masinloc. Magdadala ng tulong ang barko ng Pilipinas sa 44 “mother fishing boats” sa Bajo de Masinloc. Bukod sa mga pagkain may dala ring diesel para sa mga mangingisda.
Akala ng mga tauhan ng BRP Datu Sunday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hindi sila makararanas nang pagharang ng CCG sapagkat maayos ang kanilang paglalakbay. Pero nagkamali sila sapagkat biglang bumulaga sa kanila ang CCG ship 3105 at Chinese maritime militia vessel at tinangka silang harangin. Tatlong beses silang tinangkang harangin. Nagsagawa pa nang mapanganib na maniobra ang CCG at muntik nang madisgrasya ang kanilang sinasakyan. Ayon pa sa report, nagpadala pa ang Chinese navy ng helicopter mula sa kanilang warship para ma-monitor ang barko ng BFAR. Dahil dito, nag-deploy ang BFAR ng Cessna plane para ma-monitor ang harassment na ginagawa ng CCG.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gumagamit ng cyanide ang China para maitaboy ang mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc. Ayon sa BFAR ang paggamit ng cyanide ay nakasisira sa coral reefs na tirahan ng mga isda. Noon nakaraang Enero, limang miyembro ng China Coast Guards (CCG) ang nang-harassed sa mga mangingisdang Pilipino habang kumukuha ng mga kabibi sa Bajo de Masinloc.
Ano pa ang susunod? Hindi kaya bala na ang pauulanin ng China para tuluyang maitaboy ang mga mangingisda sa Bajo de Masinloc? Sa ipinakikita ng China, desidido silang mapaalis ang mga mangingisdang Pinoys sa nasabing shoal na sinasabing mayaman hindi lamang sa isda kundi sa iba pang yaman-dagat.
Sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na regular nang magpapatrulya ang Philippine Coast Guard (PCG) at BFAR sa paligid ng Bajo de Masinloc upang mabantayan ang shoal at pati na rin ang mga mangingisdang Pinoy. Sana magawa ito nang regular para mapigilan ang unti-unting pag-angkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
- Latest