Tulungan, sugarcane planters sa Negros
Nagkabitak-bitak na ang lupang sakahan sa ilang lalawigan dahil sa El Niño. Tiyak malaking pinsala sa agrikultura. Kawawa ang ipinag-utos na ni President Marcos Jr. na apurahin ng National Irrigation Administration (NIA) ang patubig sa mga sakahan sa Luzon upang maibsan ang kakapusan ng pagpatubig sa mga sakahan. Siniguro rin ni BBM na hindi kakapusin ng bigas ang bansa matapos makumbinsi ang Vietnam government na suplayan tayo ng bigas.
Maraming umalma sa pag-import ng bigas. Pero katwiran ng pamahalaan, dapat mag-import ng bigas bilang pampuno sa kakapusan ng produksiyon ng bansa dahil sa El Niño.
Hinihiling naman ng sugarcane planters sa La Carlota, Negros Occidental sa pamahalaan na tulungan sila sapagkat apektado na ang kanilang pananim na sugar cane. Naninilaw na umano ang mga dahon ng kanilang sugar cane dahil sa kakapusan sa ulan. Ayon sa kanila, kung walang aksiyon ang pamahalaan, tiyak maaapektuhan ang produksyon ng asukal sa bansa. Hinihiling ng sugarcane planters na magsagawa ng cloud seeding sa kanilang lalawigan.
Kung sa mga magsasaka ng palay ay nagagawang magpahukay para sa deepwell para matubigan ang mga linang, bakit hindi sa taniman ng sugarcane sa La Carlota. Hindi naman kaila na ang rehiyon ng Negros ang may pinakamalawak na taniman ng sugarcane na pinagkukunan ng asukal sa bansa. Malaking bagay na magsagawa ng cloud seeding at maghukay para sa deepwell sa Negros para matubigan ang mga sugarcane. Tulungan ang sugarcane planters.
- Latest