Pagkain responsibilidad ng buong gobyerno
Mahal ang produktong pagkain dahil sa samu’t saring mga raket. Tungkulin ni Agriculture Sec. Francis Tiu Laurel na lansagin ang mga ito.
Mahihirapan siyang banggain ang matatagal nang sindikato sa Dept. of Agriculture. Mas lalo siyang mahihirapan sa mga sindikato sa mga ibang departamento na hindi niya saklaw.
Sa ilalim ng DA ang bureau of plant industry. Tungkulin ng BPI Central Office mag-isyu ng sanitary at phyto-sanitary clearances sa imported na pagkain.
Pero hindi pinapaalam sa regional offices kung sinu-sino ang inisyuhan ng SPS clearances. ‘Yan ang dahilan kaya nagulat ang BPI-Cordillera Administrative Region na bumagsak ang presyo ng carrots, kamatis, at repolyo nu’ng Bagong Taon.
Ni hindi pinaskel sa BPI website na may darating palang imported na gulay. Bigla tuloy bumagsak ang farmgate prices ng mga ito. Piso na lang ang isang kilong small carrots at P10 ang isang kilong big. Pero sa Metro Manila at Quezon ay P70-P150 ang isang kilong big carrots.
Ibig sabihin, hindi rin nakinabang ang mga mamimili.
May mga pulis na nangingikil ng gulay, prutas, isda, manok at pork sa checkpoints. Alisin dapat sila ng Dept. of Interior and Local Government para mabawasan ang gastos sa suhol.
May mga rumaraket sa Pier—sapilitang pinapa-upa ang mga barko ng tugboats at cranes. Nagpapamahal ito ng mga kargamentong pagkain. Sa ilalim ng Dept. of Transportation ang solusyon.
Kailangan turuan ang mga magsasaka ng mga makabagong pamamaraan. Halimbawa sa preservation at packaging. Tungkulin naman yan ng Dept. of Science and Technology.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest