EDITORYAL - Signature drive ng Pirma, itigil na
Maraming tutol sa ginagawang pangangalap ng pirma para magkaroon ng maamyendahan ang Konstitusyon. Inuulan ng batikos ang pagpapapirma sapagkat hindi naman talaga ito kusangloob ng mamamayan. May kapalit ang pagpapapirma kabilang ang pagbibigay ng ayuda. Pagkatapos makapirma saka ibibigay ang ayuda na galing daw sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Itinanggi naman ito ng DSWD.
Ang mas matindi ay ang sinasabing pagbibigay ng pera kapalit ng pirma. Sinasabing mga mayor na mismo ang nagkukumahog para maisulong ang pagpapapirma. Malaking halaga ng pera ang sangkot para maisulong ang peoples initiative (PI).
Sa interview ng Teleradyo kay dating senador Panfilo Lacson kahapon, nakaabot sa kanyang kaalaman na malaki ang perang pinamumudmod para makakalap ng pirma. Pero P1,000 lamang umano ang napapasakamay ng mga taong pumirma. Ibig sabihin, nakupitan na ng mga nagsusulong ng PI ang pondo para rito.
Umaksiyon na ang Commission on Elections (Comelec) at ipinatigil na ang validation ng mga signatures na nakalap. Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na dapat nang ibasura ng Comelec ang nakolektang pirma ng People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA). Illegal entity umano ito. Marami raw siyang katibayan na ang pagpapirma ay may kapalit na mga kupon at ang iba ay food packs. Organisado umano ang pangangalap ng pirma para sa PI.
Sa kabila ng mga kaliwa’t kanang pagbatikos sa PI, sinabi ng mga nasa likod ng PIRMA na itutuloy ang pangangalap ng pirma. Kahit daw iniimbestigahan ng Senado ang signature drive para sa PI walang makapipigil sa kanila. Maski raw ang Comelec, Supreme Court, Senate at Congress ay hindi sila mapipigilan. Wala raw makakapigil sa people’s initiative dahil ito ay karapatan ng mamamayan.
Sabi ni Noel Oñate, lead convenor ng PIRMA, naabot na nila ang required 12 percent ng total population sa ilalim ng people’s initiative. Itinanggi naman niya na marami na sa mga pumirma ang bumawi ng kanilang signature.
Hindi rin naman sinabi ni Oñate kung sino ang mga donor ng signature drive. Ang privacy umano ng mga nasa likod ng pagpapapirma ay mananatiling sagrado at protektado sa ilalim ng batas.
Ngayong nababahiran at nadudungisan na ang signature drive, may maniniwala pa kaya na ito nga ay totoong saloobin ng mamamayan. Ang mga nakalap kayang pirma ay totoo sa kalooban o pumirma dahil may kapalit. Wala namang muwang sa pagpapalit ng Konstitusyon ang maralita kaya mas maganda kung itigil na ang signature drive. Isa pa, hindi naman depektibo ang 1987 Constitution.
- Latest