Malawakang medical mission sa QC!
Bumisita kamakailan sa ating lungsod ang Philippine Medical Society of Northeast Florida Inc. (PMSNFI) at nagsagawa ng isang linggong medical mission sa tulong ng lokal na pamahalaan sa anim na distrito ng Quezon City.
Natugunan ng nasabing medical mission na ginawa mula Enero 22 hanggang 27 ang problemang pangkalusugan ng 7,967 mahihirap na residente na natukoy ng ating mga District Action Officers.
Bukod sa paglalaan nila ng oras at talento, nagbigay rin ang Philippine Medical Society of Northeast Florida Inc. ng medical equipment, supply at mga gamot na umabot sa mahigit P14 million. Tunay ngang kahanga-hanga ang kanilang ginawa.
Nagsagawa ang grupo ng iba’t ibang medical at surgical procedures sa ating mga residente. Kasama na rito ang hernia, abdominal surgery, gynecological cases, goiter, cleft lip at palate, tuli, maliit na bukol, vasectomy at katarata.
Nagsilbi namang venue ng Districts 1, 2 at 3 ang Amoranto Stadium, Batasan SB Park sa District 2, Rosa Susano Elementary School sa District 5 at Silvina Covered Court at Loyola Heights Covered Court sa District 6. Ang ibang operasyon ay isinagawa sa General Hospital (QCGH) at Rosario Maclang Bautista General Hospital (RMBGH).
Bilang suporta ng lokal na pamahalaan, sinagot namin ang kanilang accomodation at iba pang logistics tulad ng transportasyon sa isang linggong medical mission.
Nagpapasalamat din tayo sa iba’t ibang departamento ng ating siyudad sa tagumpay ng medical mission, kabilang na rito ang anim na District Action Centers, Quezon City Health Department (QCHD), Office of the City Mayor, Quezon City General Hospital (QCGH), Rosario Maclang Bautista General Hospital (RMBGH), Department of Public Order and Safety (DPOS), Department of Sanitation and Cleanup Works of Quezon City (DSQC), General Services Department (GSD), Barangay and Community Relations Department (BCRD), at Traffic and Transport Management Department (TTMD).
Muli, isang mainit na pagpupugay sa inyo, Philippine Medical Society of Northeast Florida Inc. Sa uulitin!
- Latest