Urban farm sa QC, tuloy ang pagdami
MALAYO na ang narating ng ating programang urban farming.
Sinimulan natin ito noong 2010, noong ako’y Vice Mayor pa lang, sa isang simple at maliit na lugar malapit sa mga restaurant sa Quezon Memorial Circle. Makalipas ang apat na taon, nabigyan ito ng mas malaking espasyo sa QMC.
Lalo pang pinag-ibayo ang programa noong panahon ng pandemya nang makita natin ang pangangailangang palakasin ang food security sa ating lungsod.
Fast forward sa 2023, sa unang bahagi ng taon ay mayroon na tayong 754 urban farms sa buong Quezon City. Umakyat pa ito sa 1,026 noong Disyembre.
Natutuwa tayong makita ang mabilis na pagdami ng ating urban farms dahil malaki ang maitutulong nito para mabigyan ng sapat na pagkain ang ating mga QCitizens.
Bukod pa riyan, nakapagbigay rin ang ating urban fams ng kabuhayan sa tinatayang 25,000 QCitizens na nagtatrabaho bilang urban farmers.
Ipinagpapasalamat natin ang pagtaas ng bilang ng urban farms sa lungsod sa City Ordinance No. SP-2972 na ating inaprubahan noong 2020. Sa ordinansang ito, hindi na pagbabayarin ng Idle Land Tax ang mga may-ari ng lupa kung gagamitin nila ang kanilang ari-arian para sa urban agriculture nang hindi bababa sa tatlong taon.
Natutuwa tayo na nakatulong ang ordinansa para mahikayat ang mga may-ari ng idle lands na gamitin ang kanilang lupain para sa urban agriculture. Sa halip nga naman na nakatiwangwang, may makukuha pa silang pakinabang kapag tinaniman ito ng iba’t ibang klase ng gulay.
Para makinabang sa benepisyong hatid ng nasabing ordinansa, dapat ang idle land ay gagamitin para lang sa urban farming nang hindi bababa sa tatlong taon, at kailangang magkaroon ng ani na puwedeng gamitin para sa personal na pangangailangan o para sa publiko.
Ang mga kwalipikadong lupain ay bibigyan ng sertipikasyon ng Quezon City Task Force on Food Security at Office of the City Assessor kapag nakapasa sa assessment.
Umaasa tayo na marami pang may-ari ng bakanteng lupa ang sasama sa hangaring ito at ipagagamit ang kanilang ari-arian para sa urban agriculture. Malaki ang maitutulong ito para mapalakas pa ang ating food security sa mga susunod na taon.
- Latest