EDITORYAL — Grabeng trapik sa Metro Manila
IKA-9 ang Metro Manila sa pinakamatrapik na city sa buong mundo, batay sa TomTom’s 2023 Traffic Index na inilabas noong Enero 10. Ayon pa sa Tomtom, ikatlo naman ang MM sa pinakamatrapik na siyudad sa Southeast Asia. Ayon sa Tomtom, ang pinakamatrapik na araw sa MM ay Biyernes pagsapit ng alas singko ng hapon hanggang alas sais ng gabi. Ang iba pang siyudad sa Southeast Asia na grabe ang trapik ay ang Jakarta, Indonesia; Bangkok, Thailand; Kuala Lumpur, Malaysia at Singapore.
Noong 2022, sa ginawang pag-aaral ng GoShortys, isang insurance technology website na naka-base sa United Kingdom, pangwalo ang Metro Manila sa pinakamatrapik na city sa buong mundo. Nangunguna ang Istanbul, Turkey, pangalawa ang Bogota, Colombia at pangatlo ang Mumbai, India. Pang-apat ang Bucharest, Romania; Panglima ang Bengaluru, India at pang-anim ang New Delhi, India at pampito ang Lodz, Poland.
Noon pa man, problema na ang trapik sa Metro Manila. Marami nang ginawang paraan para mapaluwag ang trapik lalo na sa EDSA, pero wala pa ring epekto at lalo pang nagsikip ang trapik. Sa kabila na mayroon nang Busway o Bus carousel, matrapik pa rin at usad pagong ang mga sasakyan. Mayroon na ring Skyway at iba pang alternatibong kalsada pero gumagapang pa rin ang mga sasakyan sa EDSA, Quezon at Mindanao Avenues, España Blvd., Taft Avenue, Roxas Blvd. at iba pang ruta. Sa kasalukuyan, ginagawa na ang bilyong pisong subway project na inaasahang magpapaluwag sa Metro Manila.
Ang problemang trapik ang dahilan kaya nawawalan ang bansa ng bilyong piso araw-araw. Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P3.5 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik sa Metro Manila. Sa pagtaya ng JICA, mawawalan ng P5.4 billion araw-araw ang Pilipinas sa pagsapit ng 2035 kung hindi gagawa ng solusyon sa trapik.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) tinatayang 405,000 ang mga sasakyan sa Metro Manila araw-araw. Inaasahang madaragdagan pa ang mga ito sapagkat unti-unti nang bumabangon ang bansa makaraang lumpuhin ng pandemya.
Dapat gumawa ng solusyon ang MMDA para masolusyunan ang perwisyong trapik. Ipagpatuloy ang pag-alis sa mga sagabal sa kalsada gaya ng mga nakaparadang sasakyan. Gibain ang mga basketball court sa gitna ng kalsada ganundin ang mga car wash at talyer. Ipagpatuloy ang construction ng Skyway at flyovers para may iba pang kalsadang daraanan at hindi nakababad lamang sa EDSA ang mga sasakyan. Ayusin din ang mga kalsada na dahilan din ng trapik.
- Latest