Pergalan ni ‘Mr. T’ sa La Union, naglipana!
Naglipana ang mga pergalan (peryahan at sugalan) sa La Union na ang operator ay si “Mr. T”.
Si Mr. T ang nag-iisang operator ng pergalan sa La Union.
Ang mga parukyano ni Mr. T ay mga isang kahig-isang tuka o yung mahihirap na umaasa sa suwerte lamang.
Active ang pergalan ni Mr. T sa mga bayan ng Tubao, Pugo, Rosario, Agoo at Burgos lalo na kung may pista.
Bata at matanda ang mga customer niya sa drop ball, pula’t puti at iba pang table games na tinatayaan ng pera.
Kahit tapos na ang pista hindi pa rin inaalis ni Mr. T ang pergalan at inaabot ng tatlong buwan.
Pagkatapos ay lilipat naman siya sa ibang bayan na may pista at doon naman itatayo ang pergalan. Palipat-lipat lang si Mr. T. Kung saan may pista, naroon ang kanyang pergalan.
Nagtataka lang ako kung bakit pinapayagan ng mayors, vice mayors at sangguniang bayan ang pergalan ni Mr. T?
At bakit pati ang governor, vice governor at sangguniang panlalawigan ay tahimik sa pergalan ni Mr. T.
Bakit napakalakas ni Mr. T at patuloy na namamayagpag ang kanyang mga pergalan?
Pinasakan ba ng pera ang kanilang mga bibig para di makapagsalita? Tinakpan ba ng pera ang kanilang mga mata para hindi makakita?
At nasaan ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation?
Napiringan at nabusalan na rin ba sila kaya hindi makapagsalita at walang makita?
At baka ang Department of Interior and Local Government sa La Union ay bulag na rin kaya hindi makita ang mga pergalan Mr. T.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest