^

PSN Opinyon

Trabahong Pinoy sa Italy: Peke o totoo?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Ilang buwan na ang nakakaraan, pumutok ang mga balita hinggil sa mahigit 100 Pilipino na nabiktima ng illegal recruitment sa Italy, na tinutukan na iimbestigahan ng mga awtoridad tulad ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa at ng Department of Migrant Workers. Nagbayad sila ng malaking halaga na umaabot sa daan-daang libong piso sa nakausap nilang mga recruitment agency kahit wala namang bukas na trabaho para sa kanila sa Italy. Hindi sila nabigyan ng visa ng embahada ng Italy sa Manila dahil peke ang mga hawak nilang dokumento tulad ng tinatawag na “nulla osta.”

Nakakalungkot at nakakadismaya na nangyayari pa rin ang mga kaso ng illegal recruitment sa kabila ng paulit-ulit na babala laban dito ng mga awtoridad at ng ibang mga kinauukulan. Dapat sanang nagsisilbing aral sa ibang mga Pilipino ang masakit na mga karanasan ng mga nabibiktima ng illegal recruitment at ibang mga panloloko para makapag-ingat silang mabuti.  Wala namang pumipigil sa sino mang Pinoy na maghangad na makapagtrabaho sa ibang bansa pero dapat tinitiyak nila na dumadaan sila sa mga legal na proseso, lehitimo ang kausap nilang ahensiya at maayos at tunay ang mga hawak nilang dokumento  para makaiwas sa kapahamakan.

Pero sa kabila ng nabanggit na mga kaso ng illegal recruitment, patuloy pa rin ang Italy sa pagtanggap ng mga overseas Filipino worker. Kinumpirma nga ng embahada ng Pilipinas sa Rome noong unang linggo ng Nobyembre ng taong kasalukuyan na kasama pa rin ang mga manggagawang Pilipino sa bagong flows decree o decreto flussi na ipinalabas ng pamahalaan ng Italy.

Ang Decreto Flussi ay isang taunang kautusan ng pamahalaang Italya na naglalatag ng regulasyon para sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa Italya para sa layunin na makapagtrabaho alinsunod sa partikular na mga kondisyon at quota. Layunin ng kautusan na tugunan ang panga-ngailangan sa work force sa Italya at pamahalaan ang pagpasok ng mga dayuhang manggagawa batay sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng bansa.

At kasama ang mga Pilipino sa mga dayuhang manggagawa na kukunin sa ilalim ng naturang dekreto.

Walang nabanggit na ispesipikong bilang ng mga OFW na kukunin ng Italy, pero batay sa pahayag ng embahada, merong tatlong taong quota sa pagkuha ng kabuuang 452,000 dayuhan para sa seasonal at non-seasonal subordinate work and self-employment. Nahahahati ito sa 136,000 dayuhan para sa taong 2023; 151,000 dayuhan para sa taong 2024; at 165,000 dayuhan para sa taong 2025. Ang mga quota na itinakda para sa iba’t ibang sektor ng trabaho ay ang 52,770 non-seasonal subordinate workers sa sektor ng transportation of goods, construction, tourism/hotel, mecha-nics, telecommunications, food, shipbuilding, bus transportation of passengers, fishing, hairdressers, electricians, at plumbers (may specific quota para sa non-seasonal subordinate workers sa sektor ng family at socio-sanitary assistance); 82,550 seasonal subordinate workers sa sektor ng agrikultura at turismo/hotel; at 680 para sa self-employed. Siyempre pa, makakapag-aplay ang sino mang kuwalipikadong Pilipino na ang karunungan, kasanayan, kakayahan at karanasan ay merong kaugnayan sa mga nabanggit na larangan ng trabaho.

Ayon sa pasabi ng Philippine Embassy, ang pagtanggap ng mga manggagawa para sa subordinate work ay maisasagawa lang sa pamamagitan ng individual at nominal request ng employer sa Italy na kukuha ng mga dayuhang empleyado.  Ang mga job order para sa mga manggagawang Pilipinong nais dumaan sa decreto flussi  ng Italy ay kailangan munang beripikahin ng Migrant Workers Office (MWO) na nasa ilalim ng Department of Migrant Workers ng Pilipinas.  Ang employer o recruitment agency ay dapat magsumite ng mga dokumentong hinihingi ng MWO at ng DMW para sa kukuning manggagawang Pilipino na iisyuhan naman ng OFW pass (dating OEC o Overseas Employment Certificate) kasama ang no objection to work certificate (nulla osta al lavoro) at visa.

Ayon sa embahada, ang Migrant Workers Office sa Roma at Milan ay handang tumulong sa pag-verify ng mga job order ng mga kuwalipikadong aplikante sa ilalim ng sistema ng Decreto Flussi upang maiwasan ang pandaraya at illegal recruitment. Tulad ng naunang nabanggit, ang decreto flussi ay ang programa ng pamahalaan ng Italya taon-taon na nagbibigay ng pagkakataon sa mga dayuhan na makapasok sa bansa para sa mga layuning pang-empleyo, pagtatayo ng sariling negosyo, at seasonal work. Nakikitang oportunidad ito ng maraming recrui-ter na makapambiktima dahil na rin sa mga kababayan na handang magbayad ng malaking halaga para makapa-ngibang bansa.

Wala namang linaw kung paano at saan mag-aaplay ang mga Pilipinong gustong magkatrabaho sa Italy sa ilalim ng decreto flussi pero asahang, tulad ng nakagawian, maaaring abangan at tingnan ito sa opisina o  website ng Department of Migrant Workers na kakikitaan ng listahan ng mga bakanteng trabaho sa ibang bansa tulad ng Italy, job order at ng mga  lisensiyadong recruitment agencies. Makakapagtanong din sa mga lehitimong ahensiya o job websites. Maging maingat lang para hindi maloko, magsaliksik, magtanong-tanong at maging mapanuri at mapagmatyag.

* * * * * * * * * *

 

Email – [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with