Sunog, salot, pighati
Nagmamadaling nag-cover si TV news reporter Nico sa sunog sa maralitang pook. Kinalimutan niya ang malimit na bilin ni news director Tony na huwag ibalewala ang anumang kahihinatnan ng ningas. Paspasang sinulat at in-audio record ni Nico ang istorya at umuwi na.
Laking kilabot niya nang mapanood sa bahay ang TV news ng kalabang network. Isang pamilya—ina at apat na anak—pala ang nakulong sa barong-barong at nasawi sa apoy. Bakit ko kinaligtaan ang gan’ung malagim na detalye, sinisi niya ang sarili. Bakit ako nagpabaya?
Sa limit nating makapanood ng sunog sa TV news, nagiging pangkaraniwan na ito sa atin. Parang manhid na tayo sa sakuna. Hindi natin nababatid ang pighati ng mga biktima.
Kalimitan sa kasagsagan ng sunog nagpa-panic ang mga residente. Inilalabas sa eskinita ang aparador, refrigerator, mesa’t silya, kama’t sofa. Naghihiyawan na dumating na sana ang bumbero. Kinukuyog ang mapagsamantalang kapitbahay na nagnanakaw ng maibubulsang gamit. Humahagulgol sa kawalan ng pag-asa.
Pagkapatay ng sunog, takbo siya pabalik sa natupok na bahay. ‘Di alintana ang “Do Not Cross” sa dilaw na ribon. Hinahawi ang umaasó pang yero’t kahoy. Naghahanap ng anomang personal na kagamitang sana ay buo pa.
Masdan ang babaeng paslit, binubunot ang nangitim na manyika sa ilalim ng tambak. Ang binatilyo, pinapagpag ang tostadong litrato ng kasintahan. Ang ina, iniipon ang mga nagputok na de-latang pagkain, lutuan, kumot. Ang ama, na pati pako’t turnilyo ay iniipon kasama ang mapapakinabangang tabla’t poste.
Napabayaang kandila, katol, sigarilyo, gas stove, bentilador, cellphone charger, sirang alambre ng kuryente. Magpapaulit-ulit ‘yan sa pagwasak ng kabahayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest