Mahirap ba ang mga Pinoy?
MARAMING Pilipino ang nagsasabing sila’y mahirap. Laging umaangal sa labis na mataas na presyo ng mga bilihin. Kaya sa mga ginagawang surveys ng SWS, Pulse Asia at iba pang ahensya, madalas ay lumalabas na maraming Pilipino ang itinuturing ang sarili na pobre o maralita.
Ang nakapagtataka, magtungo ka sa mga malls at walang araw na matumal. Palaging namumutok sa rami ng taong namimili at kumakain sa mga restaurant. Madalas nating paksain sa kolum na ito ang problema sa inflation na dahilan ng mataas sa presyo ng mga bilihin. Sa pinakahuling survey ng SWS, 41 porsyento ng mga Pilipinong tinanong ang nagsasabing walang pagbabago sa kanilang pamumuhay.
Nasa trenta porsyento naman ang nagsasabing lumubha ang kanilang kalagayan o lalong naghirap. Beinte-otso porsyento naman ang nagsasabing umunlad ang kanilang kabuhayan.
Ganyan naman tayong mga Pilipino. Madiskarte sa pagkita ng pera sa tinatawag na underground economy. Kapag sinabing underground, Ito’y mga pinagkakakitaang unofficial at ‘di idinedeklara sa pamahalaan. At kahit kumikita, hindi aamining malaki ang income.
Kaya ang mga surveys ay hindi accurate. Obserbahan natin kung paano pumorma ang mga Pinoy. Kahit ordinaryong tao ay madalas branded ang mga kasuotan bagamat mga “class A” imitation lang at hindi original. Okay lang iyan basta’t nakapamumuhay tayo nang maayos at disente.
Ngunit hindi lahat ay madiskarte sa buhay. Marami pa rin ang nalilipasan ng gutom na kinakailangang lingapin ng pamahalaan.
- Latest