^

PSN Opinyon

OFW:  Isang paa nasa hukay

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Habang isinusulat ito, apat nang overseas Filipino worker na karamihan ay mga caregiver  ang namatay sa giyera ng Israel at ng organisasyong Palestinong Hamas at hindi malayong madagdagan ang bilang na ito habang tumatagal ang naturang gulo. May mga OFW din na napapaulat na nasugatan, nabihag ng mga Hamas,  nawawala,  inilikas patungo sa ibang ligtas na lugar o napauwi sa Pilipinas pero marami ring Pilipinong patuloy na nananatili sa Israel kahit nakaamba ang panganib.

Panganib na asahan nang nakabuntot sa bawat OFW na nagtatrabaho sa mga bansang merong mga problemang pulitikal na nagbubunsod ng mga kaguluhan tulad ng mga pag-aalsa, digmaan o terorismo. Matagal na ang alitan ng Israel at ng mga Palestino  na pana-panahong nauuwi sa pisikal at marahas na bakbakan kaya nga dapat asahan at paghandaan ito ng mga Pilipinong nagbabalak pa lang o nakatakdang magtrabaho sa naturang bansa. Nakakapagpaalala rito ang Gulf War noong 1990s nang sakupin ng Iraq ang Kuwait, nang salakayin ng United States at ng mga kaalyado nito ang Iraq at ang Afghanistan na nakaapekto at nagdulot ng panganib sa mga migranteng Pilipino sa mga bansang ito.

Nakakalungkot din na habang nasa kasagsagan ang giyera sa Israel  nitong buwan ng Oktubre, napaulat naman ang pagkakapatay sa dalawang OFW sa magkakahiwalay na insidente sa Jordan at Saudi Arabia. Isa sa kanila ang natagpuang bangkay sa isang diesel tank.  Mga insidenteng nagpapahiwatig na nasa hukay ang paa ng bawat OFW habang nakikipagsapalaran sila sa ibayong-dagat. Maaaring mangyari ito kahit kanino at kahit saan. Hindi lang sa mga bansang may giyera o kaguluhan. Hindi rin malayo ang panganib kahit nasa bansang payapa at tahimik.

Noong Marso ng taon ding ito, isang kongresista ang nagsabi na batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, umaabot sa 27 OFW ang namatay sa iba’t ibang bansa dahil sa foul play o tahasang masasabing pinatay sa loob ng nagdaang 10 taon. Sinabi ng tagapangulo ng House of Representatives committee on overseas workers affairs na si Rep. Ron Salo ng Kabayan partylist, na kabilang sa mga pinaslang ang walo sa Saudi Arabia, lima sa South Africa, apat sa Kuwait at tatlo sa Cyprus.

“Dapat lubhang ikabahala nating mga Pilipino ang bagay na ito dahil lubhang namemeligro ang buhay ng ating mga overseas workers habang nagsisikap silang mabuhay ng disente para sa kanilang pamil-ya,” sabi ni Salo sa Ing-les sa  ulat ng PhilStar.

Bukod pa sa mga nabanggit ang mga OFW na nakulong at nabitay sa ibang bansa o namatay sa aksidente, karahasan, kalamidad o sa karamdaman. Tuwing may mga kaguluhan o problema sa ibayong dagat, hindi maaaring hindi mabanggit ang OFW na nagiging karaniwan na ang presensiya sa iba’t ibang sulok ng mundo. Kabilang sila sa mga kinukumusta ang kala-gayan at inaayudahan ng pamahalaan tuwing merong kontrobersiyal na isyu o kaguluhan sa kinaroroonan nilang bansa. Isa ring halimbawa ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong nakaraang taon na nagdulot ng pa-ngamba sa kalagayan ng mga Pilipino roon.

Pero, sa kabila ng mga negatibong balita at kuwento hinggil sa mga OFW, nagpapatuloy ang pagkuha ng mga dayuhang bansa ng mga manggagawang Pilipino na ma-lakas na indikasyon ng malaking pagkilala sa kanilang mga kakayahan, talino, sipag, kaga-lingan at dedikasyon sa trabaho. Nagpapatuloy ang paglabas sa Pilipinas ng maraming Pinoy na gustong makahanap ng mas magandang kapalaran sa ibayong-dagat dahil patuloy na tinatangkilik ng mga dayuhang employer ang mga manggagawang Pilipino.

Sa katunayan, isa sa mga Pilipinong nasawi sa giyera ng Israel na si Angelyn Aguirre ang inalala sa kanyang katapangan at napuri sa desisyon niyang patuloy na samahan ang inaalagaan niyang matanda sa halip na i-ligtas ang kanyang sarili nang salakayin ng mga Hamas ang tinutuluyan nilang bomb shelter.

Sinabi ni Jerusalem Deputy Mayor, Fleur Hassan-Nahoum sa kanyang madamda-ming parangal sa OFW na nagpakita ng “unbelievable humanity and loyalty” si Aguirre nang  samahan nito ang inaalagaan nitong nagngangalang Nira sa Kibbutz Kfar Gaza kahit merong pagkakataon ang naturang Pilipina na tumakas na nagresulta sa kanyang kamatayan. “Unimaginable honor in the face of evil,” paglalarawan pa niya sa ginawa ni Aguirre na isang nurse, tubong-Pangasinan at anim na taon nang nagtatrabaho sa Israel bago namatay. Kakakasal lang niya sa kanyang asawa noong nakaraang taon.

Tinataya sa 30,000 ang bilang ng mga Pilipino sa Israel na karamihan ay nagtatrabaho bilang caregiver.

Kabilang pa sa namatay ang caregiver na si Loreta Alacre ng Cadiz City, Negros Occidental na 15 taon nang nagtatrabaho sa Israel. Sa isang Facebook post, sinabi ng employer ni Loreta na si Noam Solomon na si Loreta ay isang “dedicated and devoted” caregiver sa kanilang pamilya at ito ay naging kanyang kanang kamay at confidant. Isa pang Filipino nurse na si Paul Vincent Castelvi ang napaulat na kasama sa mga namatay sa giyera.

Isa pang caregiver na nasawi sa naturang giyera si Grace Prodigo Cabrera na nagmula Iloilo. Kabilang siya sa naunang napaulat na tatlong Pilipino na nawawala mula nang salakayin ng militanteng Hamas ang Israel noong Oktubre 7. Sinasabing  kabilang siya sa 199 indibidwal na kinidnap ng Hamas kasama ng tatlong kamag-anak ng kanyang Israeli employer. 10 araw siyang nawawala hanggang matagpuan ang kanyang bangkay.  Limang taon na siyang nagtatrabaho sa Israel bago napatay.

* * * * * * * * * * * * *

 

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with