Capital punishment ipataw sa hazing
Dapat nang patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga fratmen kapag may namamatay na neophyte sa hazing. Kailangan na marahil ikulong sila nang habambuhay na walang tsansang mabigyan ng parole.
Taun-taon, may naibabalitang neophyte na namatay sa hazing. Kailan pa matitigil yan? Kawawa ang mga magulang na nagtaguyod matupad ang pangarap ng mga anak na bigla lamang mapapatay nang walang kabuluhan.
Isa na namang estudyante ang namatay sa ganyang uri ng karahasan. Ito ay si Ahldryn Leary Bravante, isang criminology student ng Philippine College of Criminology (PCCr).
Kung mayroon pang parusang bitay, siguro mas angkop na parusa iyan. Ang hazing per se ay labag na sa batas pero ginagawa pa rin sa maraming fraternity.
Dapat ipagharap ng karampatang demanda ang mga masters sa fraternity na gumagawa nito kahit walang napapatay. Bakit kailangang may mamatay pa bago kasuhan ang mga gumagawa nito?
Wala akong tutol sa fraternity kung ang layunin ay magtaguyod ng kapatiran. Ngunit kung ang mga miyembro ay hinihikayat maging bayolente, sa demonyo na ‘yan.
Sa susunod na taon, sino na naman kaya ang magiging biktima ng mga brutal na fratmen? Mga mambabatas, bumuo ng batas at bigatan pa ang parusa kahit sarili ninyong fraternity ang maaapektuhan.
- Latest