^

PSN Opinyon

Tourist Visa: Pasyal o trabaho?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Malinaw naman sa pangalan pa lamang ng tourist visa na isa itong opisyal na dokumento na iniisyu sa mga dayuhang mamamasyal, magbabakasyon o dadalaw sa isang bansa.  Pero matagal nang nagiging kontrobersiyal ito dahil nagagamit ito sa mga iligal na paraan para makapasok sa isang bansa ang isang dayuhan na ang hangarin at intensiyon ay hindi tulad ng sa isang turista.

Tourist visa ang ginagawang kasangkapan ng mga illegal recruiter at human trafficker para makapambiktima ng mga Pinoy na pursigidong makapagtrabaho sa ibang bansa kahit sa iligal na paraan. Matagal nang babala ng pamahalaan lalo na ng Department of Labor and Employment at ng Philippine Overseas Employment Administration sa mga Pilipino na iwasang gamitin ang tourist visa sa pagpunta sa ibang bansa para magtrabaho. Mahaba na ang listahan ng mga overseas Filipino worker na nangibang-bansa para magtrabaho gamit ang tourist visa na napapahamak, nadidisgrasya, naaabuso, napapagsamantalahan, o napapariwara o naging mahirap lang ang buhay sa ibayong-dagat.  Hindi madali ang asenso para sa Pinoy na pumasok sa ibang bansa sa iligal na paraan. Nagiging TNT (Tago ng Tago) at namemeligro sa mga panganib  ang mga Pinoy na iligal na nanatili sa isang dayuhang bansa makaraang mapaso anng kanyang tourist visa.  Maraming Pinoy ang naging TNT halimbawa sa United States o Canada o sa Gitnang Silangan sa patuloy na pananatili nila roon makaraang mapaso ang kanilang tourist visa.

Ano ba ang tourist visa? Tulad ng naunang nabanggit, isa itong opisyal na dokumento na iniisyu sa mga dayuhang mamamasyal sa isang bansa. Kailangang mag-aplay nito ang sino mang gustong bumisita sa isang dayuhang bansa sa loob ng maikling panahon.

Lahat ng bansa sa mundo ay may kanya-kanyang patakaran o regulasyon sa pagbibigay ng tourist visa. Kung bibisita ka sa isang bansa sa ilalim ng tourist visa, pangkalahatang patakaran nang hindi ka maaaring magtrabaho gamit ang tourist visa,  hindi ito magagamit para makapagnegosyo sa isang dayuhang bansa, hindi rin ito magagamit sa pag-aaral, at hindi ito instrumento para ka maging permanenteng residente ng naturang bansa.

Kabilang sa mga popular na tourist visa, ayon sa  VisaGuide.World, iyong iniisyu ng   Europe (Tulad ng Germany, France, Spain, Italy at Netherlands), United States, Australia,  Canada,  Chile, Costa Rica, Indonesia, Israel, Japan,  Mexico,  Taiwan, Thailand, United Kingdom, at Vietnam. Schengen visa ang tawag sa tourist visa na ipinapalabas sa Europe pero magagamit ito sa pagdalaw sa iba’t-ibang bansang nasasaklaw nito.

Sa pag-aaplay ng tourist visa, kailangan mo munang matunton ang embahada o konsulado ng pupuntahan mong bansa, tipunin ang mga kailangang dokumento, bayaran ang tourist visa fee at dumalo sa interbyu para sa visa.

Makaraang matunton ang embahada o konsulado, gumawa ng appointment para sa pagsusumite ng aplikasyon. Iminungkahi ng VisaGuide.World na, para makapagsumite ng matagumpay na tourist visa application, kailangang ihanda ang iyong mga dokumento. Kung nasa sarili mong lengguwahe ang mga dokumento, kailangang isalin ang mga ito sa wikang hinihingi ng embahada o konsulado.

May mga public documents  tulad ng birth certificate at marriage certificate, death certificate, power of attorney at university diploma  na maaaring mangailangan ng tinatawag na apostille stamp.  Isa itong klase ng certification na nagpapatunay sa iyong public documents at maaari itong makuha sa mga embahada, ministry, court o pamahalaang lokal.

Kailangang bayaran muna ang visa fee bago maproseso ang iyong aplikasyon. Depende sa pupuntahang bansa ang halaga nito. Ilang embahada ang hinihinging bayaran muna ang fee bago dumalo sa visa interview habang ang iba ay pagbabayarin ka sa mismong araw ng interbyu.

Sa interbyu, tatanungin ka hinggil sa iyong biyahe, ang dahilan ng pagbisita mo, ang mga plano mo, at gaano ka katagal sa dadalawin mong bansa. Kailangan ang interbyu para makita nang embahada na hindi ka tatagal nang lagpas sa panahong itatakda sa tourist visa.

Sa pangkalahatan, kabilang sa mg dokumentong kailangan sa isang tourist visa application ang Tourist visa application form, Passport with six or three months validity period; Passport pictures, Valid travel insurance, Evidence of financial means (Meron ka bang sapat na perang panggastos?), Proof of accommodation (Saan ka pansamantalang titira doon?), Proof of a booked return flight ticket (Tiket sa eroplano pabalik sa pinagmulan mong bansa), Proof of paid visa fee, Invitation letter,  Civil documents (marriage certificate, birth certificate, etc.) at iba pang supporting document.

Karaniwang 30 araw ang itinatagal ng bisa ng  tourist visa  pero may mga bansang maaaring magbigay ng visa na tatagal nang isang taon na merong multiple entries. Gayunman, pinapayagan ka lang manatili ng 30 araw sa bawat pagpasok mo sa isang dayuhang bansa.

Kadalasang umaabot ng dalawang linggo ang proseso sa aplikasyon para sa tourist visa. Maaaring kulang-kulang o mahigit sa dalawang lingo depende sa tinitirhan mong bansa, sa panahon,  at sa dami ng trabaho sa embahada. Bukod sa visa fee, maaaring may iba ka pang kailangang bayaran tulad ng translation fee at ibang services.

Tumagal man ng 30 araw o higit pa ang bisa ng tourist visa, kadalasang hindi na ito maaaring mapalawig maliban na lang kung nagkaroon ka ng hindi inaasahang problemang pampamilya tulad ng panganganak, pagkakasakit, at pagkamatay; hindi inaasahang problemang dulot ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, tsunami at iba pa; o nagkaroon ng masalimuot na sitwasyon sa pulitika sa iyong bansa na dahilan para maging mapanganib ang pag-uwi mo doon.

Maaaring tanggihan ng embahada o konsulado ang iyong tourist visa application kung meron kang nailagay na mga maling impormasyon sa iyong apliksyon, hindi updated ang iyong passport, kulang ang isinumite mong apliksyon,  o naideport ka na noong araw ng destinasyon mong bansa dahil sa paglabag sa patakaran sa visa.

* * * * * * * * * * * * *

 

Email – [email protected]

vuukle comment

OFW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with