Lagot si Atorni
IPINAGBABAWAL sa isang abogado ang ibunyag o ilathala ang tungkol sa nakabinbing kaso na dinidinig sa Family Court upang maiwasan na mailabas sa publiko ang mga sensitibo o pribadong paksa na may kinalaman sa mga taong sangkot. Ito ay ipinapaliwanag sa kaso ni Atty. Mario Manalo.
Abogado ni Mila si Atty. Manalo at siya ang humawak sa petisyon sa pagpapawalang-bisa ng kasal na isinampa laban sa babae ng sarili nitong mister na si Armando. Habang dinidinig ang kaso ay nag-post sa FB (Facebook) ang abogado at ipinadala ang kopya ng link ng petisyon sa anak ni Armando na si Romy sabay pahayag na: “pakitingnan mo ang iyong ama iho at huwag mo siyang gagayahin ha”.
Ang post kuno ay tungkol sa isang “Matalino at Babaerong Mister” at nagsasaad na matapos pakasalan ang pangalawang asawa habang buhay pa ang kanyang unang misis ay ang lalaki pa mismo na gumawa ng krimen ng bigamy ang may gana na magsampa ng kaso para ipawalambisa ang kanyang pangalawang kasal.
Sa petisyon, pinapalabas na gustong ipawalambisa ni mister ang kasal dahil sa kawalan ng marriage license at hindi dahil bawal ang pangalawang kasal. Pero kung babasahin ang buong petisyon ay malalaman na ang tunay na intensiyon ng lalaki ay para pigilan ang pangalawang asawa na sampahan siya ng kasong bigamy gamit ang palusot na “prejudicial question” o dahil sa legal na isyu sa ibang kaso na may epekto sa kaso nila.
Dahil sa nasabing post ni Atty. Manalo ay sinampahan siya sa IBP (Integrated Bar of the Philippines) ng kasong administratibo.
Sa kanyang sagot, inamin ni Atty. Manalo na siya ang naglagay ng post sa FB at pinadala pa niya mismo ang link nito sa anak ni Armando na si Romy. Pero itinanggi niya ang pangungulit kay Romy. Ginagawa lang naman daw niya ang tungkulin bilang kinatawan at abogado ng kanyang kliyenteng si Mila. Wala raw siyang planong sirain ang reputasyon ni Armando sa kanyang post sa Facebook at hindi raw matatawag na libel ang ginawa niya dahil pawang totoo naman ang laman ng petisyon na may kinalaman sa pagpapawalambisa ng kasal nina Armando at Mila Valdez.
Pero ayon sa IBP, nagkamali pa rin si Atty. Manalo dahil nilabag niya ang patakaran tungkol sa pag-iingat at pagiging pribado ng mga paglilitis sa Family Court. Inirekomenda ng IBP na suspendihin si Atty. Manalo sa loob ng isang taon bilang parusa. Hindi raw sapat na dahilan ang palusot ni Atty. Manalo na isa siyang “journalist blogger” at “spokesman-lawyer” na ginagamit ang kanyang karapatan sa pamamahayag (freedom of expression) para sa kanyang ginawang paglabag sa R.A. 8369.
Kinatigan ng Supreme Court ang IBP. Dapat lang daw managot si Atty. Manalo sa kanyang ginawang post at sa pagpaskil niya sa FB ng petisyon ni Armando. Ayon pa sa SC, hindi dapat hatiin ni Atty. Manalo ang kanyang pagiging isang abogado at pagiging isang mamamayan. Kahit pa ginagawa niya ang tungkulin bilang isang “journalist blogger” o ginagawa ang kanyang tungkulin na protektahan ang interes ng kanyang kliyente bilang isang abogado ay nananatili pa rin ang responsibilidad niya bilang miyembro ng Bar.
Nilabag niya ang Section 12, RA 8369 dahil pinagbabawal nito ang publikasyon at pagbubunyag ng anumang record ng mga kaso sa Family Court. Ang paggamit din ng maaanghang na salita ay walang lugar sa dignidad ng korte. Ang salitang ginagamit ay maraming posibilidad. Maaari itong gamitin para sa pagkumbinsi pero hindi ito puwedeng maging masakit sa iba. Para sa isusulong ng interes ng kanyang kliyente ay dapat lang gamitin ng abogado na paraan na parehas at makatao (Velasco vs. Causing, A.C. 12883, March 2, 2021).
- Latest