^

PSN Opinyon

Kolaborasyon: Ang susi sa pagbangon ng healthcare system mula sa COVID-19

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Kolaborasyon: Ang susi sa pagbangon ng healthcare system mula sa COVID-19
Pedestrians walk past a COVID-19-themed mural in Barangay Bagong Ilog, Pasig City on April 18, 2023.
The STAR/Michael Varcas

Dahil aking adbokasiya ang kalusugan at serbisyo publiko, lagi akong eksayted maging host at emcee sa mga pagtitipong may kaugnayan sa sektor ng kalusugan. Pagkakataon ko kasi ito para direktang malaman ang mga pagbabago sa sector na ito at nang maibahagi ang mga impormasyong ito sa ating mga kababayan.  Nakatutuwa ring makita sa isang pagtitipon ang iba’t ibang grupo -- pribadong kumpanya man, non-government organizations at mga ahensya ng gobyerno -- na nagtutulungan para mapaganda ang sistemang pangkalusugan sa ating bansa. 

Malaking karangalan ang maimbitahan bilang host ng “Together for Health,” ang kauna-unahang media enablement session na inorganisa ng Pharmaceutical Healthcare Association of the Philippines (PHAP), MSD Philippines, at AC Health na naglalayong palalimin ang kaalaman ng mga mamamahayag sa mga napapanahong isyung pangkalusugan at para maisulong ang health literacy. Nagpapasalamat ako na kinikilala ng organizers ang napaka-importanteng papel ng media sa pagbibigay-impormasyon at paggabay sa mga Pilipino, lalo na sa mga panahon ng krisis.

Marami talagang mga sistema ang binago ng COVID. Sabi nga ni Andreas Riedel, Presidente at Managing Director ng MSD Philippines, ang COVID-19 pandemic ang isa sa mga pinakanakayayanig na krisis-pangkalusugan na kinaharap ng buong mundo. Pero kasama sa mga binago nito ay kung paano tayo nagtulungan at nagbayanihan bilang isang komunidad.

L-R: Dr. Gerard Belimac (Department of Health), ako, Manuel Mogato (Filipino Pulitzer Prize-winning journalist), Dr. Minerva Calimag (President, Philippine Medical Association), Andreas Riedel (President and Managing Director, MSD in the Philippines), Teodoro Padilla (Exec. Director, Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines), Karen Villanueva (President, Philippine Alliance of Patient Organizations), Dr. Antonette Remonte (PhilHealth), and Paolo Borromeo (President and CEO, AC Health)

Dagdag pa niya, “Binago ng COVID kung paano tumutugon ang gobyerno sa health emergencies, at kung paano nabubuo at ipinapatupad nang mabilis ang mga polisiya sa public health, lalo na sa pagbabakuna at health surveillance. Upang makahanap ng solusyon, ginawa ng medical community ang lahat -- maging ang pagbubuwis ng kanilang buhay. Sumunod din ang mga health industry sa “new normal” – mula sa bilis ng pagsasaliksik at maging sa marketing at supply chain management, lalo na para sa healthcare providers.”

Tinukoy din ni Riedel kung paano nagtutulong-tulong ang patient groups at advocates para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Napatunayan noong pandemya ang kritikal na papel ng epektibong public communication, data gathering, at analytics sa pagdedesisyon ng mga pamilya at komunidad sa tinatawag na life or death situations.

Naniniwala kami ng aking aksamahan sa media na si Manny Mogato na para labanan ang mga viral na fake news, kailangang maging mas malikhain ang mga journalist sa paghahatid ng tamang impormasyon at balita sa publiko.

Ayon naman sa Presidente ng AC Health na si Paolo Borromeo, ipinamukha ng pandemya ang mga kahinaan ng ating sistemang pangkalusugan at “ang halaga ng pamumuhunan o pag-invest sa healthcare.” 

Mula sa pananaw naman ng patient groups, sinabi ni Karen Villanueva, Presidente ng Philippine Alliance of Patients Organization (PAPO) na “katibayan ang COVID na kaya palang pabilisin ang mga proseso.  Umaasa kaming magagawa rin ito sa iba pang mga gamot, lalo na yung para sa rare diseases at cancers.”

Binigyang-diin din sa forum ang magandang epekto ng pagpapalawak ng access sa healthcare outcomes dahil napipigilan nito ang pagkakasakit at nagpapataas ito ng quality of life. Ang pagbibigay ng preventive care at early treatment ay nagpapababa ng gastusing medikal dahil napipigilan nito ang paghantong sa mas mahal pang medical interventions. 

Dagdag pa ni Riedel, marami pang kailangang gawin bago maisakatuparan ang kampanyang “Healthy Pilipinas” ng DOH.   “Kailangan nating isulong na palawakin ang access sa de-kalidad na atensiyong medikal at pagpapagamot sa lahat ng Pilipino, mayaman man on mahirap. Kailangan nating bumuo ng strategic tactics tulad ng pag-invest sa healthcare upang ganap at tuluyan nang makabangon mula sa pandemya.” 

Iginiit din ng President ng Philippine Medical Association (PMA) na si Dr. Minerva Calimag ang kahalagahan ng pagpapalakas ng primary care facilities sa grassroots, upang anumang hamon ang kaharapin ng health system ay may mabilis na matatakbuhan ang mga tao. 

Kinilala rin sa forum ang papel ng media sa pagbibigay-impormasyon sa panahon ng krisis. May tatlong isyung kailangang bigyan- pansin – vaccine hesitancy at misinformation, access sa de-kalidad na atensiyong medikal, at strategic tactics sa pagbangon mula sa covid. 

Bilang mamamahayag at health advocate, isa sa mga itinuro sa atin ng pandemya ay ang pagninilay ukol sa mga pagbabagong ating kinaharap, at ang pag-iisip ng epekto nito sa atin at sa ating mga plano at direksyong gustong tahakin.   Ang kagustuhan kong dalhin ang aking mga adbokasiya sa digital platform ang nagtulak sa aking baguhin ang tradisyunal na paraan ng paghahatid ng impormasyon at maging mas malikhain sa pagpapahayag ng balita para ito’y maging mas makabuluhan at kaengga-engganyo sa iba’t-ibang target audiences. 

Pagsasanib-puwersa para matulungan ang gobyerno sa pagpapalakas ng healthcare system ng bansa --- Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), MSD Philippines, and AC Health.

Kailangan nating magtulungan para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon at pagbutihin ang paglilinaw sa mga isyung pangkalusugan. Kailangan natin tulungan ang publiko, lalo na ang mahihirap nating mga kababayan, na maintindihan kung paano ma-access ang mga programa ng gobyerno at ang pondong kanilang kailangan para makapagpagamot. 

Ang responsibilidad ng media ay hindi natatapos sa pagsisimula ng diskurso tungkol sa mga isyung pangkalusugan. Kasama sa aming tungkulin ang pagpapadali at paghihikayat sa lahat na umaksyon at maging responsable sa pagsulong at pagpapasigla sa healthcare system ng bansa. 

Maganda ang pagkakapaliwanag ni Riedel: “Dinanas natin nang sama-sama ang COVID. Sa ating pagbangon mula rito, desidido dapat tayong magkaisa sa layuning humubog ng mas magandang hinaharap para sa healthcare industry, kabilang na ang paghahanap ng mga solusyon para sa mga problema at hamong kinakaharap ng mga pasyenteng Pilipino.”

---

Panoorin ang Pamilya Talk sa FacebookYouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa [email protected].

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with