EDITORYAL - Huwag sayangin ang kanin
Kapansin-pansin ang mga natitirang kanin sa pinggan na nasa mesa ng mga restawran at fastfoods. Iniwan at hindi inubos ng mga customer. Ganundin sa mga food court. Sa mga karinderya, may mga natitira ring kanin sa pinggan. Sa mga pagtitipon halimbawa ay sa wedding reception, kukuha nang maraming kanin ang bisita pero hindi naman uubusin. Ganyan din sa birthday at Christmas parties. Kukuha nang maraming kanin at ulam pero iiwanan lang sa mesa. Nakapanghihinayang! Habang maraming tao ang nagugutom at mayroong isa o dalawang beses na lang kung kumain sa maghapon, marami naman ang nag-aaksaya sa kanin. Ang nakikinabang sa mga hindi naubos na kanin ay mga hayop—aso, pusa at baboy.
Ang pag-aaksaya sa kanin ay pinatotohanan ni Dr. Eva Goyena, senior science research-specialist sa Department of Science and Technology-Food Nutrition Research Institute (DOST-FNRI). Sabi ni Dr. Goyena, malaking porsiyento ng kanin ang nasasayang. Itinatapon na lamang ang mga ito at ang iba pa ay pinakakain sa mga hayop. Bukod sa kanin, marami rin umanong nasasayang na isda at gulay.
Ayon pa kay Goyena, maraming nasasayang na kanin sa mga pamilyang nakatira sa lungsod at mga nakaaangat ang status sa buhay. Mayroon din daw mga Pilipino na ayaw kumain ng “bahaw” o kaning lamig at ang gusto ay bagong saing. Kaya itinatapon na lamang ang mga kaning lamig o bahaw. Payo ni Goyena na magsaing lamang nang tama ang dami para hindi masayang ang kanin.
Noon pa marami nang nag-aaksaya sa kanin. Kaya dapat nang ihinto ng mga restawran ang kanilang gimik na “unli rice”. Dahil sa unli rice kaya maraming nasasayang na kanin.
Ang pag-aaksaya sa kanin ay kontra sa programa ni President Ferdinand Marcos Jr. na pagpapababa sa presyo ng bigas. Target ni Marcos na pababain sa P20 ang kilo ng bigas. Kaunting panahon na lang daw sabi ni Marcos at maaabot na ng mamamayan ang pinangako niyang P20 bawat kilo ng bigas.
Kung magiging P20 ang kilo ng bigas, baka lalong dumami ang masasayang na kanin. Tiyak na marami ang matitira sa pinggan at mga aso’t pusa ang makikinabang. Mas mabuti pa kung huwag nang ibaba ang presyo ng bigas para manghinayang ang mga tao at hindi na mag-aksaya. Kung mataas ang presyo, maski ang kaisa-isang butil ng bigas ay panghihinayangan.
- Latest