EDITORIAL - Paigtingin ang earthquake drill
Kalunus-lunos ang nangyaring lindol sa Turkey at Syria na umabot na sa 7,000 ang namatay at marami pang hinahanap sa mga guho. Tumama ang magnitude 7.8 na lindol noong Lunes at hanggang sa kasalukuyan ay nadarama pa ang aftershocks. Sa mga retrato, kitang-kita ang bangis ng lindol sapagkat nawasak ang mga gusali. Parang mga bahay ng posporo na dumapa dahil sa lakas ng lindol.
Nakakadurog ng puso ang isang retrato kung saan isang ama ang umiiyak habang hawak-hawak niya ang kamay ng kanyang anak na babae na naipit sa bumagsak na pader. Patay na ang kanyang anak subalit hindi iniiwan ng ama. Umaasa pa rin siyang buhay ang anak.
Ang lindol sa Turkey at Syria ay maaaring maganap sa Pilipinas. Hindi imposible sapagkat ang Pilipinas ay napaliligiran ng “ring of fire”. Anumang oras, puwedeng lumindol at maaring malakas gaya nang tumamang magnitude 7.7 noong Hulyo 16, 1990 na ikinamatay ng 1,600 katao at ikinawasak ng mga gusali at hotel gaya ng Hyatt sa Baguio City.
Noong Agosto 2, 1968, tumama ang magnitude 7.6 na lindol sa Luzon na ikinamatay ng 270 katao. Nawasak ang Ruby Tower sa Sta. Cruz, Maynila.
Nagbabala ang Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong 2016 na posibleng tumama ang “Big One” hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga karatig lugar. Ayon sa Phivolcs, walang makapipigil sa paggalaw ng West Valley fault.
Noong 2015, inilabas ng Phivolcs ang mga lugar na sakop ng faultline ganundin ang mga isruktura na nasa ibabaw nito. Ayon sa Phivolcs, ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Kung tatama ang 7.2 na lindol sa nasasakop ng faultline maraming mamamatay. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion.
Pinakamagandang gawin ng pamahalaan ay ang regular na pagdaraos ng earthquake drill. Ihanda ang mamamayan. Imulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Bukod sa quake drill, magdaos din sana ng fire drill sapagkat kadalasang ang kasunod ng lindol ay sunog. Pangunahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagsasagawa ng earthquake drill. Katulungin ang local government units (LGUs) ukol dito.
- Latest