Magtayo nang maraming imbakan
Nais ng Department of Agriculture (DA) na ibaba ang suggested retail price (SRP) ng sibuyas sa P125 kada kilo dahil sa pagpasok ng mga inangkat na sibuyas pati na rin ang palapit na panahon ng pag-aani ng mga lokal na magsasaka. Pero agad naman nitong sinundan na baka hindi rin sundan ng mga merkado ang kanilang SRP. Para saan pa pala ‘yang pahayag? Wala ngang ipinahayag na lahat ng hindi susunod ay ikukulong o papatawan ng multa at kung ano pang parusa.
Dismayado naman ang mga nagtatanim ng sibuyas. Ayon kay Romel Calingasan, municipal agriculturist ng San Jose, Occidental Mindoro, ang sibuyas na ibinenta ng higit P600 kada kilo ay binili mula sa mga magsasaka ng P8-P15 kada kilo lamang mula Marso hanggang Abril ng nakaraang taon. Dagdag pa ni Calingasan, dahil kulang na kulang ang storage facilities o imbakan ng mga naaning sibuyas, napilitan ang maraming magsasaka na ibenta ang kanilang ani ng mababang presyo, at ang mga hindi nabenta ay nabulok lang.
Hindi kailangang maging henyo para makita ang malaking pagkakaiba ng presyo ng mga magsasaka at ang presyo sa palengke o grocery. Dehadung-dehado ang magsasaka. Sila pa ang may pinakamahirap na trabaho sa linya mula taniman hanggang merkado. May mga nag-akala pa nga na mabebenta na nila ng mas mataas ang kanilang naaning sibuyas pero sinabayan naman ng gobyerno ng pag-angkat, kaya wala rin. Marami sa kanila ang nalugi, baka ang iba nawalan na ng gana.
Makikita ang ilang problema. Isa na rito ay ang kakulangan ng imbakan ng sibuyas kapag naani na. Bakit hindi magtayo nang maraming imbakan ng sibuyas ang gobyerno kung ito pala ang unang problemang sumasalubong sa mga nagtatanim? Isa pa rito ay mga sindikato o cartel na matagal nang sinasabi ng mga mambabatas. Mga nananamantala ng kahirapan ng mga magsasaka. Bibili nang mababa, itatago para tumaas ang presyo dahil sila ang may imbakan, sabay benta nang mataas. Hindi ba kaya ng anumang administrasyong buwagin ang mga ito? Baka naman may mga ayaw buwagin ang mga ito at kumikita sila nang husto?
Ilang ulit ko nang sinasabi na kapakanan ng mga magsasaka ang dapat mauna. Pero tila hindi iyan ang nagagawa, kahit may umano’y ilang kilos ng gobyerno para matukoy ito. Walang mangyayari sa sektor ng agrikultura kung ganito na lang lagi ang kalakaran. Paano gaganahan ang mga magsasaka kung madalas silang agrabyado?
- Latest