Pangalanan, police officials na sangkot sa drug trade
MAY katwiran si Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Benhur Abalos sa apela na mag-courtesy resignation ang lahat ng heneral at colonel ng Philippine National Police (PNP). Ito ay makaraang mag-viral sa social media ang paghuli sa isang bugok na pulis na nagbebenta ng droga sa isinagawang buy-bust operation. Paano nga naman masusupil ang paglaganap ng droga kung mismong aktibong pulis ang siyang nagtutulak ng droga.
Ang nahuli ay si S/Sgt. Ed Dyson Banaag matapos nitong pagbilhan ng 25 gramo ng shabu ang kapwa niya pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust operation sa Maynila. Tiklo si Banaag matapos ang maikling habulan nang makatunog ito na kapwa niya pulis ang aaresto sa kanya. Ang masaklap, may dalawa siyang kabaro na inaresto rin matapos na mangialam sa operasyon. Hindi na nakapalag sina S/Sgts. Jerry Saratobias at Raymund Portes nang mangialam matapos na maaresto si Banaag. Tiyak sira na ang kinabukasan nila kasama nang makakaladkad ang reputasyon ng kanilang pamilya. Purnada na rin ang milyun-milyon nilang pera sa kanilang retirement. Ganyan din ang kasasapitin ni S/Sgt. Rodolfo Mayo na nahulihan ng 990 kilong shabu sa isinagawang operasyon din sa Maynila noong nakaraang taon.
Malinaw na may ilang pulis pa rin ang pasok na sa sindikato ng droga at may nagre-recycle din ng droga. Ang tibay din naman ng sikmura nitong mga dayukdok at bugok na pulis para lamang magkapera ay nagtutulak ng droga. Parang sideline lang nila ang pagpupulis. Masuwerte ang mga bugok na pulis dahil natapos na ang termino ni dating President Duterte kung nagkataon mapapabilang sila sa listahan ng DDS at mapapasama sa iimbestigahan ng International Criminal Court (ICC).
Sa panahon ngayon ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., mabibilang sa daliri ang bumulagta sa mga operasyon ng PNP kontra droga at ang ilan pa nga sa mga nahuhuli ay nabibigyan ng pagkakataon na magbago sa pamamagitan ng pag-rehab sa kanila. Kaya naman sa apela ni Sec. Abalos na magsumite ang mga heneral at colonel ng courtesy resignation ay malaya nang maiimbestigahan ang mga sangkot na pulis sa pagpapakalat ng droga. May kaakibat na pag-lifestyle check sa mga opisyales para maarok kung saan nanggaling ang kanilang kayamanan.
Ang masaklap nito, magpahanggang sa ngayon, wala pang nababalitaan na may natumbok nang mga heneral at colonel na may koneksyon sa pagpapakalat ng droga. Baka sa mga darating na araw ay bigla na lamang may sasambulat na mga pangalan ng heneral at colonel sa PNP ang ibabandera ni Abalos. Abang-abang lang!
- Latest