EDITORYAL - Karahasan ng mga kabataan
Sunud-Sunod ang mga karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga probinsiya man. May nagrarambolan, naghahabulan, batuhan ng bote, paluan ng silya, saksakan at iba pa na nangyayari kung gabi. Karaniwang lasing ang mga kabataan at wala nang pakialam kung anuman ang kahinatnan ng kanilang ginagawa. Kakatwang dumami ang mga karahasan na sangkot ang mga kabataan nang magluwag ng restrictions laban sa COVID-19. Mula nang magluwag, marami nang kabataan ang kumpul-kumpol at nag-uumpukan sa kung saan-saan. May mga nag-iinuman at napakaingay na para bang sila lang ang tao sa lugar. Hindi nila alam na nakakabulahaw sila. Kahit dis-oras ng gabi, marami pang kabataan ang nasa kalye. Mistula silang mga kalabaw na nakawala sa kural.
Malagim ang sinapit ng isang Grade 9 student na na-comatose makaraang pagtulungang bugbugin ng isang grupo ng mga tinedyer sa Quirino Highway, Novaliches, Quezon City noong Nobyembre 18. Makarang pagsusuntukin at pagsisipain ang estudyante, binagsakan pa ito ng bato sa ulo. Nakauwi pa ang estudyante sa kanilang bahay at ikinuwento ang nangyari. Pagkaraan ay dumaing na sumasakit ang ulo at saka nagsuka. Isinugod sa ospital ang biktima hanggang na-comatose na ito. Namatay noong Nobyembre 25.
Naaresto naman ang apat na tinedyer at inamin na napagtripan lamang nila ang estudyante. Nahaharap sa kasong murder ang apat na tinedyer.
Noong nakaraang linggo, dalawang lalaking estudyante ng isang sikat na school sa Makati ang nakunan ng video habang nagsusuntukan sa comfort room. Duguan na ang isang estudyante dahil ginamitan ng kalaban ng knuckle brass. Ang nakapagtataka, pinanonood lamang sila ng mga kaklase at ayaw awatin habang kinukunan ng video. Nagkakatuwaan pa habang pinanonood ang pagbubuno ng dalawang estudyante.
Naghahatid ng pangamba ang nangyayaring ito na sunud-sunod ang karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan. Kailangang kumilos ang mga magulang upang hindi mapahamak ang kanilang mga anak. Laging bantayan upang hindi maligaw ng landas. Ang papel ng PNP ay nararapat sapagkat karaniwang nangyayari ang rambolan ng mga estudyante sa kalaliman ng gabi. Magsagawa ng pagpapatrulya para masawata ang mga nagaganap na karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan.
- Latest