^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Banta ng dengue

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Banta ng dengue

Hindi na gaanong pinuproblema ang COVID-19 at marami nang nagsasaya lalo’t palapit na nang palapit ang Pasko. May mga nagpaplano na ng Christmas party at family reunion. Marami na rin ang hindi nagpi-face mask at kung magkuwentuhan ay dikit-dikit na. Mayroon na ring hindi naghuhugas ng kamay o kaya’y nag-aalkohol bilang proteksiyon.

Ang isang binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ay ang pagdami ng kaso ng dengue. Nakakaalarma ang pag-akyat ng bilang ng mga nagkaka-dengue at karamihan sa mga ito ay bata.

Sa huling report ng DOH noong Nobyembre 5, tumaas ng 91 percent ang dengue cases na mas mataas kaysa nakaraang taon sa parehong panahon. Uma­bot na sa 196,728 ang nagka-dengue ngayong taon kumpara sa 67,537 na kaso noong 2021. At ang nakapanlulumo, ang namatay sa dengue ngayong taon ay 642 kumpara sa 247 noong nakaraang taon.

Pinakamarami ang kaso sa Central Luzon na may 38,640 na sinundan ng Metro Manila, 22,666 at Cala­barzon, 16,575. Sa Central Visayas, ang Bohol at Cebu ay may 98 kaso.

May kampanya nang ginagawa ang DOH upang makaiwas ang mamamayan sa dengue. Mahalaga ang paglilinis ng kapaligiran upang walang mabuhay na lamok.

Ang dengue virus ay galing sa lamok na Aeidis Aegypti. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa itim at puting guhit sa katawan nito. Sa araw lamang ito nangangagat. Paboritong tirahan ng lamok ang mga basyo ng bote, goma o gulong na may istak na tubig, mga tabo o paso ng halaman. Nangingitlog din ang mga ito sa mga estero na hindi umaagos. Naninirahan din sa malalagong halaman. Ipinapayo na huwag magsasampay ng damit sa madilim na bahagi ng bahay.

Palatandaan ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, kulay kapeng ihi, pag­kakaroon ng pantal-pantal sa balat at pananakit ng ulo at katawan. Ipinapayo ng mga doctor na kapag nakaranas ng ganitong sintomas, kumunsulta agad sa doctor para maagapan ang dengue.

Kung mahigpit ang pagpapatupad sa health pro­­tocol laban sa COVID, dapat ganito rin kahigpit sa dengue. Paigtingin ng DOH ang dengue campaign upang matiyak na walang mabibiktimang mamamayan.

DENGUE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with