EDITORYAL - Tunay na bayani ng masang Pilipino
IPINAGDIRIWANG ngayon ang ika-159 kaarawan ni Andres Bonifacio, ang Supremo at nagtatag ng Katipunan. Sa lahat ng mga bayaning Pilipino, tanging si Bonifacio lamang ang ipinagdiriwang ang araw ng kapanganakan kaysa kamatayan. Isang dahilan marahil kaya ang kapanganakan niya ang ginugunita ay sapagkat karumal-dumal ang kanyang naging kamatayan noong Mayo 10, 1897 kung saan mga tauhan ni Gen. Emilio Aguinaldo ang naggawad sa kanya. Masakit gunitain na namatay siya sa kamay ng kapwa Pilipino.
Pinatay siya at kanyang kapatid na si Procopio sa Mt. Buntis sa Maragondon, Cavite. Makaraan silang patayin, inilibing sila sa isang lugar na walang palatandaan kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon ay kay Bonifacio. Ayon sa report, inilagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Legislative Building. Nang bombahin ng mga Hapones ang Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasamang nasira ang nakapreserbang mga buto ng bayani.
Ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Manila noong Nobyembre 30, 1863. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Habang walang ginagawa, nagbasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas—Itak laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming namatay sa mga Katipunero pero sa kabila niyon, hindi sumuko si Bonifacio at ipinagpatuloy ang pakikibaka.
Nakalulungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga Kastila kundi sa kamay ng kanyang mga kasama sa kilusan. Hindi malilimutan si Bonifacio sapagkat siya ang sumasagisag sa mga maliliit. Mananatili sa isipan ng bawat isa ang ipinakita niyang pagmamahal sa bayan. Siya ang nag-iisa at tunay na bayani ng masa.
- Latest