^

PSN Opinyon

Nakakakilabot na lindol

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Lindol talaga ang kinatatakutan ng lahat. Wala kasing maka­pagsasabi kung kailan at saan lilindol, pati na rin kung gaano kalakas. Hindi tulad ng bagyo, alam kung kailan darating. Ang bulkan, may mga senyales kung puputok.

Noong Miyerkules ng umaga, isang lindol na may mag­nitude 7.0 ang yumanig sa buong Luzon. Ang epicenter ay sa Abra. Nagdulot nang malaking danyos sa mga imprastraktura. May mga gumuhong bahay, gusali. Nagkaroon ng mga landslides. May mga sasakyan na natabunan ng lupa at nabagsakan ng malalaking bato. Nakuhanan ng video ang unti-unting pagguho ng Vigan Cathedral at Banta Bell Tower. Sa Baguio City, inilabas ang mga pasyente sa Baguio­ Ge­neral Hospital. Matatandaan na noong 1990, ang Baguio ang pinakamasamang tinamaan ng lindol. Kaya ganun na lang ang takot ng mga taga-Baguio kapag gumagalaw ang lupa. Sa Metro Manila naglabasan ang mga tao mula sa mga gusali. Tumama ang lindol nang magsisimula na ang trabaho sa mga kompanya. Ang mga nakatira sa condo, nagbabaan din.

Nasa P33.8 milyon ang tinatayang danyos ng lindol sa Ilocos Region, Central Luzon at Metro Manila pero maaaring tumaas pa ito kapag sinuri nang husto ang lahat ng gusali, kalye at tulay. Lima na ang kumpirmadong patay at higit 100 ang nasaktan. Libu-libo naman ang apektado. May ilang bahay sa Abra na nasira nang tuluyan. Wala pang isang buwan ng administrasyong Marcos ay nasabak kaagad sa sakuna. Agad namang umaksyon para madalhan ng tulong ang mga apektado.

Naging usapin muli kung handa ang Metro Manila para sa malakas na lindol o ang tinatawag nilang “The Big One”. Ang buong Pilipinas ay kabilang sa Ring of Fire ng Pacific Ocean. Ang mga bansang kabilang dito ay may mga aktibong bulkan at madalas nayayanig ng lindol. Ang lindol noong 1990 na yata ang malakas na naramdaman sa Metro Manila kamakailan, kaya sinasabi na tila “hinog” na para sa malakas na lindol. Sana naman hindi.

Hindi ko maisip ang matinding sakuna kung sakaling maganap nga ito. Tulad ng sinabi ko, walang makapagsasabi kung kailan lilindol. Ang pinakamagandang alamin ng bawat isa ay kung ano ang mga dapat gawin kung sakaling lumindol nang malakas. Alamin ang “Duck, Cover, Hold”. Maganda rin kung may nakahandang bag na naglalaman ng mga importanteng kakailanganin sa panahon ng sakuna. Pagkaing delata, tubig, de-bateryang radyo, flashlight ang ilan lamang dapat laman ng bag. Mabuti na ang handa sa lahat ng oras.

LINDOL

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with