Mayorya, minorya
TULAD ng theme song sa kanilang kampanya, ang Marcos-Duterte Uniteam ay gumising sa isang Umagang Kay Ganda.
Buo ang pagpasya ng susunod na Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ialay ang sarili sa bayan. Sumugal tayo sa kanya at maipapangako niyang tutuparin ang plataporma.
Ang pinakamalaking question mark mula pa nang umpisa ay kung pananagutan ang mga pagkukulang at kasalanang umiral sa administrasyon ng kanyang ama. Dahil sa papel ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa kasaysayan, hindi naiwasan na maraming kababayan ang gawing kondisyon ng suporta ang kung ano ang rekord ng Ama. Ito ay gagamiting pamantayan sa pagsuri sa anak.
Gayunman, higit na maraming Pilipino ang nagpasyang maging kritikal ang pag-iisip at magdesisyon batay sa sariling pagkatao ng kandidato. Hindi sinisi ang kanyang nakalipas o ang pinanggalingan.
Para sa kanila, na ang bilang ay mahigit sa mayorya ng taumbayan, ang isang Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. (BBM) ay nararapat sa kanilang tiwala. Makasaysayan ang suportang natanggap ni BBM mula sa Pilipino. Mayorya ng lahat ng bumoto ang nagbigay ng basbas. Abot 60% ang umaasa na, sa ilalim ng isang Marcos Presidency, mas aangat ang kanilang sitwasyon sa buhay. Wala ni isang naging pangulo, sa lahat ng humawak ng puwesto sa Malacañang, ang nakatamo ng ganito kalawak na suporta at pagtanggap mula sa taumbayan.
Hindi ako mangangahas ipaliwanag kung papaano nabawi ng pangalawang Presidente Marcos ang pagmamahal ng Pilipino na kita nating naglaho nang patapos na ang termino ng unang Presidente Marcos. Siya ba ang nagbago o ang taong bayan ang naliwanagan? Mahaba ang kuwento.
Sa ngayon, ang mahalaga ay pangatawanan niya ang tiwala ng tao at sikapin niyang pangatawanan ang pagiging klase ng pangulo na kailangan ng lahat. Dumami man ang pagtangi ng mayorya, mas naging malalim naman ang pagtanggi ng minorya.
Kung ang reseta sa atin ay, kahit kontra sa damdamin, tanggapin ang pasya ng nakararami, ang paalala naman sa nanalo ay dapat siyang magsisilbing pangulo ng lahat, maging kaaway man o kakampi.
- Latest