No vax, no ride, only in the Philippines
NANINIWALA ako sa bakuna. Katunayan, kumpleto na ako sa first at second dose kasama na ang booster shot. Ngunit hindi ko sinasang-ayunan ang “no vaccine, no ride policy” na ipinatutupad ng pamahalaan. May dalawang dahilan kung bakit.
Una, ito ay paglabag sa karapatan ng tao na magdesisyon kung ano ang makabubuti para sa kanya. Pangalawa, tingin ko ay wala itong lohika. Bakit magpapatupad ka ng pagbabawal pero nagtakda naman ng exemption dito?
Halimbawa, kung may bibilhin kang essential goods sa labas gaya ng gamot o pagkain, puwede kang payagang makasakay sa public transport basta’t may clearance o permiso mula sa barangay. At hindi nga ba may pahayag na ang Department of Labor and Employment na hindi dapat tanggalin ng employer ang kawani nito dahil walang bakuna?
Ang barangay clearance ba ay nangangahulugan na ang isang hindi bakunado ay hindi na makapanghahawa? Katawatawa! Isa pa, kung may kaibigan kang barangay official, madaling makakuha ng clearance. Pati nga ang mga vaccination card ay puwede ring ipeke.
Hindi mo kailangang magtungo sa Recto na lugar ng mga mamemeke. Kung may scanner, printer at computer ka, ikaw mismo ay kaya mong makagawa ng vaccination card. Suma total, inutil o walang silbi ang ganyang patakaran.
Paigtingin na lang sana ng pamahalaan ang kampanya sa pagbabakuna kasabay ng paghikayat sa lahat na magpabakuna. Motivation at hindi coercion ang dapat ipatupad dahil demokrasya tayo at hindi diktadurya.
- Latest