Kahulugan ng panaginip
SINAUNANG panahon pa palaisipan sa tao ang panaginip. Hari at alipin ay kumonsulta sa babaylan para sa kahulugan ng napanaginipan. Senyas ba ‘yon ng darating na sakuna o digmaan, sakit o kamatayan; o baka naman tagumpay at sagana, kalusugan o pagsilang. Sa paniwala ng tao sa interpretasyon nabago ang takbo ng kasaysayan. Sa Bibliya kinausap ng Diyos si Noah para buoin ang Arko bago bumaha, at si Joseph para ilikas ang mag-inang Maria at Hesus sa Egypt. Sa pagsunod nila sa mensahe naligtas ang sangkatauhan.
May nagkukulong sa bahay o tumataya sa jueteng o nagsisimula ng negosyo batay sa panaginip. May natatakot kung paulit-ulit ‘yon. Ikinabit ni Dr. Sigmund Freud sa sex lahat ng panaginip. Ano man ang eksena o salita na tumanim sa isip ng nangarap ay dahil umano sa pinakatagu-tagong pagnanasa o ikinahihiyang kaganapang sexual. Anang saliksik nananaginip din ang mga pusa, elepante at matsing.
Hindi sa buong pagtulog ng tao siya nananaginip. Kapag nangyayari na ito, mabilis na kumukurap-kurap ang mga pilik-mata ng natutulog – rapid eye movement (REM). Hindi mai-videotape kung ano ang napapanaginipan. Nasa subconscious daw ito ng utak, na binubuo ng cells at electro-chemical neuro-impulses. Umaasa lang ang researchers sa kuwento at memorya ng subject pagkagising.
Ngayon sinisikap ng scientists na “kausapin” ang nananaginip. Sinanay muna nila ang volunteers na tumango, umiling, at sumenyas ng kamay o daliri habang tulog. Tapos ineksperimento sila. Kapag nagre-REM – nananaginip na – binubulungan sila ng mga karaniwang salita: kulay, korte, numero. Tinatanong kung naiintindihan nila ang sinasabi. Kagila-gilalas, umo-oo o humihindi sa kibot ng ulo o kamay. At pumapasok sa panaginip ang mga salita; halimbawa bilang kulay ng hayop o korte ng kagamitan o numero ng bahay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest