Magbubukod tayo ngayon para walang kulang bukas
Nagbubukod tayo ngayon para sa susunod na pagtitipon walang kulang sa atjn. ‘Yan ang buod ng pag-iingat natin sa coronavirus. Malungkot mawalay sa mga minamahal, pamilya at barkada. Pero mabuti na ‘yon ngayong pandemya kaysa naman may maimpekta at pumanaw sa atin.
Tandaan ang sinapit ng isang pamilya sa Nueva Ecija nu’ng Setyembre nang magluwag ang lockdown. Agad nag-reunion sila sa isang bahay. Labing-anim ang nagka-COVID-19; siyam ang naospital. Hindi bababa sa P500,000 ang halaga ng pagpapagamot ng bawat isa.
Tuluy-tuloy ang paalala ng epidemiologists, infectious disease specialists at mga awtoridad. Manatili raw tayong ligtas. Alam nila na pagod na tayo sa pag-iingat, bagot na sa pananatili sa bahay, at sawa na sa puro hugas ng kamay, layu-layo, at pagsuot ng face mask at shield. Pero wala namang alternatibo. Wala pang gamot kontra sa COVID; ang meron lang ay pampabawas sa hirap kung malala ang pagkahawa. Nariyan na ang bakuna, kaya lalo dapat mag-ingat bago maturukan. Umabot na tayo hanggang dito sa isang taon ng pagtitiis at paghihirap. Konting tiyaga na lang, matatapos na ito.
Maski mabakunahan tayo dapat pa rin maging maingat. Natural lang sa virus mag-mutate. Ang mutant ay maaring maging mas malala, mas nakahahawa, mas nakamamatay. At maaari ring kailanganin ng dagdag pang bakuna. Tandaan na 200 milyon ang nilipol ng Black Plague sa Europe, Asia, at Africa nu’ng 14th century. Nagpabalik-balik ang impeksiyon sa mga lungsod at kanayunan.
Tanggapin natin ang “bagong normal”. Ilan dito ay mahirap kasanayan. Pero asahan na ang iba naman ay kagigiliwan natin. Sanayan lang naman ang lahat, mula sa simpleng pagdasal, pag-awit, o pagdiyeta hanggang sa kumplikadong edukasyon, trabaho, at pagpapamilya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest