^

PSN Opinyon

Gang rape (Una sa 2 bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Isang kaso na naman ito ng rape. Tulad ng ibang kaso, ang karaniwang depensa ng mga akusado ay kusang loob na nakipagtalik ang biktima. Ginusto raw ito ng babae. Kaya magkakaroon ba ng rape kung walang puwersa o dahas na nangyari para lang makipag-sex sa biktima? Paano ba papatunayan na may pamimilit? Masasabi rin ba na pumayag ang biktima kung may mga galos at sugat na nakuha? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso ni Jessica.

Disisais anyos si Jessica at kabilang sa grupo ng mga tinedyer sa kanilang lugar. Kasama sa gang na kanyang kinabibilangan ay ang boyfriend na si Louie pati sina Abby, Zel, Raffy at Gio na puro 16-anyos. Kadalasan ay nagkikita ang grupo sa napagkasunduan nilang tambayan.

Isang gabi, bandang alas-onse ay pumuslit sa bahay niya si Jessica para makipagkita kay Louie. Nang malapit na siya sa tambayan nila, napansin niya ang isang siga, isang tent, at ang lima niyang kabarkadang sina Zel, Charlie, Tony, Raffy at Gio. Pumito siya para mapansin ng mga kabarkada. Agad na lumingon si Zel at niyaya siyang lumapit. Agad siyang nakiumpok at hinanap niya kung nasaan si Louie. Mag-antay lang daw siya sabi ni Gio. Kaya nakipagkuwentuhan na lang muna siya. Habang lumalalim ang gabi, nagsipasok sina Tony, Gio, Raffy at Zel sa loob ng tent at naghaharutan sa pamamagitan ng pagtanggal ng pantalon ng bawat isa.

Samantala, habang nasa loob ng tent si Gio, inalok niya si Jessica ng sigarilyo. Lumapit sa harapan ng tent si Jessica para kunin ang sigarilyo nang biglang nilagay ito ni Gio sa maselang bahagi ng katawan kaya nagbago ang isip ng dalaga at hindi na sana kukunin ang sigarilyo kung hindi lang ibinato sa kanya. Nagbalik sa siga si Jessica at doon nanigarilyo.

Pagkatapos ay pumasok na rin sa tent si Jessica kasama ni Zel. Itinulak sa kanya si Gio kaya humampas ang batok nito sa kanyang sigarilyo. Nagalit at hinatak paloob ni Gio sa tent si Jessica kaya napasubsob sa kanyang tuhod ang babae. Nang pilitin niyang tumayo ay tinulak/dinamba siya ni Gio at diniin gamit ang katawan nito. Hinawakan ni Tony ang mga kamay ni Jessica samantalang si Raffy naman ang humawak sa kanyang mga hita.

Walang awang pinagsamantalahan ni Gio ang kabarkada sa kabila ng pagtutol at pagpupumiglas nito. Hindi pa nakuntento ay sina Raffy at Tony naman ang sumunod na gumahasa sa biktima sa kabila ng kanyang pagtutol. Nang umalis sa tent ang mga lalaki, saka pa lang nakauwi si Jessica bandang alas-tres ng madaling araw.

Nang sumunod na araw, nalaman ni Louie kung ano ang nangyari kay Jessica. Kinausap niya ang girlfriend at hinimok na magsumbong sa mga magulang. Ipinagtapat ni Jessica sa inang si Thelma ang masakit na sinapit sa kamay ng mga kabarkada. Sinamahan siya ng ina at pumunta sa istasyon ng pulisya para gumawa ng kaukulang reklamo. Nang ikapitong araw, sinuri ng isang medico-legal si Jessica at natagpuan sa kanyang katawan ang iba’t ibang galos at sugat pati ang pagaling na hymenal lacerations.

Kaya tatlong counts ng rape ang isinampa laban kina Tony, Raffy at Gio. Isinalang ng prosekusyon si Jessica na nagsalaysay sa mapait niyang sinapit sa kamay ng tatlo. Pati ang medico-legal na sumuri kay Jessica ay tumestigo. Sa kabilang banda, inamin nina Tony, Raffy at Gio na may nangyari sa kanila at kay Jessica pero ang palusot nila ay payag daw ang babae.

Pati ang siyota ni Gio na si Abby at si Vilma na siyota ni  Raffy ay tumestigo at pinaratangan na si Jessica pa raw ang nagyayabang na nakipagtalik na ito kina Tony, Gio at Raffy. Sabi pa ng mga ito, gusto raw ni Jessica ang nangyari. (Itutuloy)

vuukle comment

GIO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with