EDITORYAL - Bawal na ang e-cigarettes
(Pilipino Star Ngayon) - November 22, 2019 - 12:00am

IPINAG-UTOS ni President Duterte ang pagbaba­wal sa pag-import at paggamit ng vape o electronic cigarettes. Ang utos ay ginawa ilang araw makaraang mapabalita na isang 16-anyos na babae sa Cebu ang nagkasakit dahil sa paggamit ng vape. Ang biktima na hindi pinangalanan ay kasalukuyan pang nasa intensive care unit (ICU) ng isang ospital. Ayon sa report, anim na buwan nang gumagamit ng vape ang biktima. Nakitaan daw ng sintomas na parang hinihika ang babae at hindi makahinga. Ganunman sabi ng doctor ng babae, wala naman daw itong hika. Naospital ang babae noong Oktubre 21. Nag-take raw ito ng cough medicines para maalis ang ubo pero ayaw tumigil at lalo pang lumala.

Ang pangyayaring ito ang lalo nang nagpasidhi sa Department of Health (DOH) para hilingin na itigil ang paggamit ng e-cigarettes. Pero sinasala ng Pasig court ang ginagawa ng DOH na pagpapatigil ng e-cigarettes. Ilan sa mga mambabatas ang kumukontra rin sa DOH. Hindi raw makatwiran ang total ban na nais ng DOH. Ang dapat daw ay buwisan na lamang ang e-cigarettes kaysa ipatigil ito. Kikita raw ang pamahalaan sa ibabayad na buwis.

Sa United States, marami nang kaso ng pagkakasakit dahil sa paggamit ng e-cigarettes. Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), naitala ang 2,172 kaso ng pagkasira ng baga at 42 na ang namatay dahil sa vaping. Ayon sa report, mabilis ang pagkakasakit ng mga indibidwal na gumamit ng vape at patuloy na iniimbestigahan ito. Ayon pa sa isang pag-aaral, sinisira ng e-cigarettes ang cardiovascular system. Mayroon umano itong nicotine, metal and flavorings na masama sa puso. Taliwas ito sa sinasabi ng mga manufacturer ng vape na walang nicotine.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi lamang ang gumagamit ng vape ang apektado kundi pati na rin ang mga nakalalanghap ng second hand smoke. Kumpara sa sigarilyo, mas matindi ang nakalalasong kemikal na nakahalo sa e-cigarettes.

Ang pag-uutos ng Presidente sa pagbabawal sa e-cigarettes ay magandang hakbang para mailigtas sa pagkakasakit ang mamamayan. Mas tama na itigil ito kaysa sa pananaw ng mga mambabatas na buwisan. Kikita nga ang gobyerno pero ang kapalit ay pagkakasakit at posibleng kamatayan.

E-CIGARETTES
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with