Payagan na lang
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - July 17, 2019 - 12:00am

Nanggagalaiti ang Duterte administration sa resolus­yon ng UN Human Rights Council (UNHRC) sa Iceland na maglabas ang UN High Commissioner on Human Rights ng komprehensibong ulat sa sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Siyempre binanggit ang madugong kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga at extrajudicial killings. Hinikayat ang gobyerno na panagutin ang mga nasa likod ng pagpatay at mga nawawalang tao kaugnay sa sukat ng batas kung saan lahat ay dapat mabigyan ng “due process”. Ang Pilipinas ay miyembro ng UNHRC.

Halos araw-araw ay may nababalitang pinatay. Sasabihing mapayapa at nabawasan na ang krimen pero puro patay naman ang laman ng balita. Noong Linggo ay may pinatay na naman sa Makati habang patungong simbahan. Tila napakadaling pumatay ngayon at napakahirap mahuli ang mga salarin. 

Hindi na nakapagtataka kung bakit ganito ang reaksiyon ng Pilipinas. Kapag sinita ang “human rights”, siguradong may masasabi si Pres. Rodrigo Duterte at ang mga opisyal niya. Inakusahan na nakikialam ang UNHRC sa ipinagmamalaking kampanya laban sa krimen, labag sa soberenya ng bansa, wala raw karapatang mag-akusa sa Pilipinas ang mga bumotong bansa, “kangaroo court” umano ang naganap na suportado pa raw ng mga sindikato ng droga sabay banta na malawak na kahihinatnan ang mangyayari sa mga bansang bumoto ng oo, at may nanawagan na putulin na ang relasyon ng bansa sa Iceland.

Labingwalo ang bumoto para ipasa ang resolusyon, 14 ang kontra kabilang ang Pilipinas at 15 ang hindi lumahok sa botohan. Kung titingnan ang listahan ng mga bansang kumontra sa resolusyon, mapapansin na halos lahat ay may mga masasamang rekord ng karapatang pantao. May kasa­bihan na makikilala sa mga kaibigan o mga kasama. Kung miyembro tayo ng UNHRC, bakit galit na galit ang administrasyong ito kapag nababanggit ang salitang “human rights”? Bakit ayaw payagan na mag-imbestiga ang UNHRC kung sinasabing wala namang itinatago?

Hinamon pa ng isang senador na pugutan siya ng ulo kung mapatunayang ang gobyerno ang nasa likod ng mga pinapatay sa lansangan. Kung ganyan kakampante, dapat payagan na lang ang mga imbestigador ng UNHRC sa bansa, hindi ba? Pero ang nagaganap ay pang-iinsulto lang ang ibinabato ng administrasyon sa Iceland at sa mga bansang bumoto para ipasa ang resolusyon.

UN HUMAN RIGHTS COUNCIL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with