China talo nang lusubin noon ang mga Malay
SINO’NG maysabi na mapayapa ang China at kailanma’y hindi hinangad manakop ng lahing Malay? Pinabubulaanan ‘yan ng kasaysayan. Nu’ng 1293 tinangka ni Kublai Khan ng Yuan Dynasty na lupigin ang Java, na ngayo’y bahagi ng Indonesia.
Dinispatsa niya ang malaking army -- 20,000-30,000 sundalo sa 1,000 barko -- para puwersahin si Haring Kertanegara na magbayad ng buwis sa China. Hinadlangan sila ng kasindaming mandirigmang Malay (pero sa kuwento ng kapwa-Mongols ni Kublai Khan ay 100,000 daw). Halos 5,000 Malay ang namatay sa pagtatanggol ng Majapahit Empire. Inulat na 12,000-18,000 Chinese ang napatay at kalahati ng mga barko ang lumubog. Maraming nabihag.
Pamangkin ni Genghis Khan ng Mongolia, si Kublai Khan ang nagtatag ng Yuan Dynasty. Nu’ng 1292 nagpadala siya ng mga sugo sa mga paligid na kaharian na magpailalim sa kanyang proteksiyon at magbayad ng buwis.
Maraming pumayag sa silangan ng kanluran ng China. Pero nainsulto si Haring Kertanegara ng Java. Pinatatakan at pinutulan ng tenga na parang baka ang ministro ni Kublai Khan na si Meng-qi, saka pinalayas. Nangilabot si Kublai Khan sa pagkontra sa kanya.
Agad siyang bumuo ng hukbo ng mga taga-Fujian, Jiangxi at Huguang at kasama ang 3,000 elitistang Mongols ay pinatawid ng dagat patungong Java. Nabalitaan ni Kublai Khan na, bagamat nasa ilalim ng isang Majapahit Empire, hati-hati noon ang mga Malay at giyera-giyera ang mga hari at isla.
Kung tutuusin nga, nu’ng dumating ang mga barko ni Kublai Khan sa Java, kababagsak lang ni Haring Kertanegara sa rebelyon ng mga karatig kaharian. Ganunpaman, lumaban ang mga Malay. Patas sila ng Chinese sa armas -- gulok, sibat, palakol, pana -- at galing ng mga heneral. Pero lamang ang mga Malay sa gaan ng body armor, liksi sa bangka at kabisa sa lugar. Durog ang manlulupig.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest