Mga mambabatas na kriminal: Budget veto ang patunay
KAHANGA-HANGA ang pag-veto ni President Rody Duterte sa P95.3-bilyong isiningit ng mga kongresista sa 2019 national budget. Ilegal na pork barrels ‘yun. Inalis nila ang mga orihinal na programa at gastusin ng Ehekutibo. Inihalili nila ang kanya-kanyang proyekto sa distrito. Pagkukomisyonan sana nila ang mga ‘yun, kung hindi nag-veto si Duterte. May balitang nakakubra na ang ilan ng advances mula sa mga kasapakat na kontratista.
Bahagi ng P95.3 bilyon ang ilang “Build, Build, Build” infra-works na sisimulan ng DPWH ngayong 2019. Binura ito ng mga kongresista. Ipinalit ang mga pansariling proyekto nila: basketball courts, makaulit na dredging kunwari ng ilog, at farm-to-pocket, este, -market roads.
Ilegal dahil tiwali ang pork barrel. Dineklarang unconstitutional ang mga ito ng Korte Suprema nu’ng 2013. Balatkayong mga proyekto ng Ehekutibo pero balato pala sa Lehislatura.
Nu’ng panahong ‘yon ang taunang pork barrels ay tig-P200 milyon kada 24 na senador, at P70 milyon kada 255 na kongresista, o kabuuang P22.65 bilyon. Ngayon ay P95.3 bilyon -- mahigit apat na beses ang nilaki mula nu’ng ipagbawal.
Kriminal ang mga mambabatas.
Sa veto message idiniin ni Duterte na hindi siya pipirma ng ilegal na gastusin na nagpapaikot sa Konstitusyon. Pinaalalahanan niya ang mga kongresista ng tungkulin nilang mga opisyal na pangalagaan ang kaban ng bayan, at tiyakin ang mga wastong programa.
Nagalak si Sen. Panfilo Lacson, na namuno sa pagkontra sa pork barrels. Simula na sana ito, aniya, ng taunang pag-veto sa pork barrels hanggang mabura na ito sa sistema ng pamamahala.
Bukod sa veto, ikulong ang mga nagpalala nito -- sina Speaker Gloria Macapagal Arroyo, appropriations chairman Rolando Andaya, Majority Leader Ferdenil Castro at Minority Leader Danilo Suarez.
- Latest