Huwag kang mangamba
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. (Pilipino Star Ngayon) - November 14, 2018 - 12:00am

HINDI natutuwa si Senador Joel Villanueva sa kalibre ng mga aplikante sa Senado. Isang tingin ng baguhang senador sa mga nag-aambisyon na makasama siya ay agad itong nagpahiwatig ng pagkasuya.

Nagbabala ito na dapat daw mag-ingat ang publiko sa kanilang mga desisyon sa halalan. Aniya’y maaaring ikasira ng institusyon sakaling maupo ang mga wala namang mabuting maiaambag dito.

Malaki ang tiwala ng senador sa sarili niyang kakayahan. Saan pa manggagaling ang lakas ng loob niyang husgahan ang mga nais makipagsapalaran? Hindi ba ganito rin ang ginawa niya halos tatlong taon pa lang ang nakalilipas? May punto ang senador. Sana lang ay sa iba na lamang nanggaling ang pagpuna. Bilang isang nakilahok sa proseso at nagwagi, mas ok sana kung hindi nito minamaliit ang kakayahan ng kapwa niyang nais ding makilahok.

Napakahalaga ng kapangyarihang makapamili ng kakatawan sa atin sa pagkatha ng batas at iba pang mata­tayog na katungkulan ng pamahalaan. Kritikal na mabigyan ang lahat ng malawak na pagpipilian. Tayo rin ang susuri, gamit ang sariling pag-iisip. Ang mga nakapuwesto ay nabigyan na natin ng tiwala. Ito’y prosesong kanila ring pinagdaanan. Huwag sana nilang subukang limitahan ang ating layang makapagdesisyon na nauna nilang napakinabangan.

May kasabihan na ano man ang kalidad ng nanunungkulan, wala tayong pasasalamatan o sisisihin kung hindi ang sarili natin. Tanggap ito ng lipunan. Sakaling magwagi ang mga kandidatong inaalala ni Sen. Villa­nueva at kung ikasira nga ito ng Senado, huwag na sana niyang indain. Kagustuhan naman ito ng taumbayan. Sa halip ay tutukan na lang niyang lalo ang pagsasabatas ng mga panukalang makabubuti sa bansa. Sa ganitong paraan, masisiguro niyang matibay ang Senado, malakas at hindi basta basta magigiba bilang institusyon kahit sino pang pangambahan niyang mauupo riyan.

JOEL VILLANUEVA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with