Kapag sila puwede
MAY isyu nga ba ang paglapag ng isang eroplanong militar ng China sa Davao kamakailan? Lumapag ang isang Il-76 ng China sa Davao International Airport noong Biyernes. Namataan ang nasabing eroplano ng isang grupo na mahilig sa eroplano. Inilagay ang litrato ng eroplano ng Philippine Plane Spotters Group sa internet. Agad nagkaroon ng reaksyon. Bakit lumalapag na ang eroplanong militar ng China? Bakit sa Davao? Bakit hindi sa NAIA, Clark o Cebu? Dahil ba napakalakas ng China sa Davao ngayon?
Ayon sa Palasyo at sa AFP, walang dapat ikabahala dahil maayos daw ang koordinasyon sa bansa para makalapag. Lumapag ang eroplano para malagyan ng gasolina. Binigyan umano ng pahintulot ng CAAP. Lahat na lang ng ahensiya ay nagsasalita para ipagtanggol ang paglapag ng eroplano. Pero mismong si DND Sec. Lorenzana ay nagsabing hindi niya alam na may lalapag na eroplano ng China sa bansa. Wala naman daw mali riyan kung nakipag-ugnayan naman sa CAAP.
Pero militar ang eroplano. Hindi ba dapat alam iyan ng DND? May mga nagsasabing masyadong tumagal ang eroplano sa Davao para malagyan lang ng gasolina. Hindi rin klaro kung patungo, o nanggaling na ng Australia. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kapag may hiling na lumapag ang isang eroplanong militar sa bansa, kailangan ipaalam sa DND para aksyunan. Parang lumalabas na lalawigan na ang Pilipinas, o ang Davao, ng China kung ganyan na kadaling lumapag ang kanilang eroplanong militar. Hindi rin maintindihan ni Lacson kung bakit tila tahimik ang gobyerno sa paglapag ng eroplano. Kung hindi namataan ng grupo, magsasalita ba sila?
May kasunduan na ba ang Pilipinas at China para makalapag ang kanilang mga militar na eroplano sa bansa? Baka meron sa Davao. Sa kabila ng mga isyu ngayon sa karagatan – ang pagkuha ng mga huli ng ating mangingisda ng mga Chinese coast guard, pati ang harassment sa Ayungin Shoal – tila walang problema kapag sila ang pumapasok sa bansa.
- Latest