^

PSN Opinyon

‘Kasong ’di matapos-tapos’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

TANGGAPIN NATIN ANG KATOTOHANAN na kapag mahirap ka at ikaw ay nasabit kahit walang katotohanan, mabubulok ka muna bago mo makamtan ang tunay na kalayaan!

“Walong taon na wala pang nangyayari. Di kami makahanap ng regular na trabaho dahil walang nagtitiwala sa ‘min,” pahayag ni Ricky.

Naitampok namin noon ang kwento ng mga trabahador ng RGU Ugalde Trading na sina Ricky Gumagda, Sammy Loberiano, Eduardo Nebres, Jimmy Adoc at Albert Bautista. Pinamagatan namin itong ‘Sabit ng isa, damay lahat na’.

Sa pagbabalik-tanaw sampung tao ang nais maipahuli ng kompanya dahil daw sa pangingikil ng pera. Ang nagrereklamo si Ivy Ugalde Abalos.

Ang pinagmulan daw ng reklamong ito ay nang magsampa sila ng kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa ‘non-payment of benefits’ at ‘non-payment of wages’. Nang ginipit sila at tinanggal sa trabaho nagsampa rin sila ng kasong ‘Illegal Dismissal’.

“Wala kaming kaalam-alam sa kasong nakasampa laban sa amin. Basta ang alam namin ay kaso lang sa NLRC,” sabi ni Ricky.

Naglabas ng Resolusyon si Labor Arbiter Edgar B. Bisana na sinasabing ‘guilty’ ang kompanya sa Illegal Dismissal at inuutusan sila ng ‘Immediate reinstatement’. Halagang 1.8M ang ‘monetary award’ na kailangang bayaran ng kompanya sa mga nagrereklamo.

“Nahatak ang hauler van nila. Milyon ang halaga pero natubos nila ng Php200,000. Pinaghatian naming labing siyam na nagreklamo may parte pa ang abogado namin,” salaysay ni Ricky.

Ang ilan sa kanila ay tatlong libo lang ang natanggap habang ang pinakamalaki naman ay limang libong piso.

May ipinakilala sa kanila si Agapito na maaari raw tumulong sa kanila. Sina Melchor Pandes, Ariel Aguirre, Teofilo Rafols at Angelo Enriquez na umano’y opisyales ng Labor Federation na National Organization of Workingmen & its Members (NOWM).

“Hindi kasi namin alam nun kung paano ang proseso ng pagsasampa ng kaso. Nagtiwala kami sa kanila. Nung napansin naming hindi nila inaasikaso naghanap kami ng abogado,” sabi ni Ricky.

Hinuli ng pulis ang ilan sa kanila dahil may ‘warrant of arrest’ sila.

Hindi nila makalimutan ang hirap na dinanas sa loob ng kulungan. Salitan sa pagtulog at patagilid kung matulog para lang magkasya. Ginawan ng paraan ng mga kamag-anak ang kanilang piyansa para makalabas.

Hindi nila maintindihan kung paano sila nadawit sa kasong Robbery Extortion. Sa salaysay ng pag-aresto nina PO3 Rafael FlormataPO1 Clint MoralPO1 Verlyn Pabiton atPO1 Richard CarluenHulyo 18, 2008 bandang alas dos ng tanghali ay inatasan sila ng kanilang hepe na si Supt. Mario Albitos Reyes na isagawa ang isang ‘entrapment operation’ dahil sa reklamo ng isang Ivy Abalos.

Kinausap umano siya nina Teofilo Rafols, Melchor Pandes, Angelo Enriquez, at Ariel Aguirre na nagpakilalang miyembro ng Labor Union Federation na may pananakot na sila ay nagsampa ng kaso sa Labor. Magbigay na lang ng Php1.8M si Ivy at huhugutin nila ang papel sa Labor.

Napagkasunduan nila na magbibigay ng paunang bayad na Php200, 000 at magkikita sa SM Bacoor. Pinalagyan nila sa Cavite Crime Laboratory ng ‘Ultraviolet dusting’ bago ibigay kay Ivy ang sobre at pera.

Pumasok sina Ivy at ang kanyang ina sa isang kainan nang dumating ang dalawang lalaki. Ang isa ay pumasok ang isa ay nagsilbing look-out. Naglabas ito ng dokumento at nang iabot ni Ivy ang sobre inaresto na ang lalaki. Inaresto rin nila ang lalaking kasama nito na si Ariel Aguirre.

Maging sa reklamo ng complainant na si Ivy Abalos hindi nabanggit ang pangalan nina Ricky maliban kina Pandes, Rafols, Enriquez at Aguirre.

Naisama sina Ricky sa kaso dahil sila ang nakalagay sa nagrereklamo sa NLRC na ipinakita ng mga akusado.

Nagkaroon ng ‘Amended Information’ at naisama na sila sa kaso. Pirmado ito ni Asst. Provincial Prosecutor Carlos A. Catubao. Naglabas din ng resolusyon nung Mayo 2, 2011 na maaaring guilty ang mga ito dahil hindi nakadalo sa pagdinig. Naging ‘uncontroverted’ ang reklamo.

Nakapagpiyansa naman sina Pandes at Aguirre.

Unang naging problema nina Ricky na wala silang abogadong magtatanggol sa kanila. Pinapunta namin sila sa Public Attorney’s Office (PAO) ng Cavite upang mabigyan sila ng libreng abogado dahil kapwa walang regular na pinagkakakitaan ang mga akusado.

Humaba nang humaba ang pagdinig ng walang nangyayari sa kaso. Minsan wala ang abogado ng complainant at may pagkakataon kung hindi ‘on-leave’ ay ‘presently indisposed’ ang Prosecutor. Nitong huli ay naghain na ng ‘withdrawal’ at napalitan ni Atty. Amador Magdamit Jr.

“Sa PAO ngayon lang kami nabigyan ng abogado talaga dahil yung una naming abogado hindi kami naasikaso. Sa susunod na Hunyo 29, 2016 ang hearing namin,” sabi ni Ricky.

Sa haba na raw ng itinagal ng kaso nahihirapan na ang kampo nina Ricky dahil wala naman silang alam sa ginawang pangingikil ng pinagkatiwalaan nilang mga tao. Sa natanggap nilang Order ngayong Hunyo na ang presentasyon ng ebidensya ng Prosecution.

Tanong nina Ricky ano ang maaari nilang gawin para matapos na ang kaso. At kung sakaling mapatunayan nila na wala silang kinalaman sa ginawang pangingikil nina Pandes at Aguirre anong kaso ang maaari nilang maisampa dahil sa laking perwisyo na naidulot nito sa kanila.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ngayong darating na pagdinig nila ay magsisimula pa lang ang Prosecution sa paglalatag ng kanilang mga ebidensya. Iuupo dito ang kanilang mga testigo at mga nakalap na impormasyon laban sa inyo.

Kapag natapos na sila ay ang depensa naman ang pauupuin at isa-isa kayong tatanungin dun ng partisipasyon ninyo sa inaakusang krimen. Humaba ng ilang taon ang kasong ito dahil sa walang abogado na tumayo bilang tagapagtanggol  nina Ricky at ng kanyang mga kasamahan.

Hindi rin madalas nakakadalo ang nakatalang Prosecutor kaya’t mas nagpatagal pa ito sa pagdinig. Ngayon pa lang magsisimula ang bakbakan ninyo at kapag napatunayan na kayo’y inosente at ang grupo lang ni Pandes at Aguirre ang may pakana ng lahat maaari kayong maghabla ng ‘moral damages’ para sa naging perwisyo nito sa inyo.

Ito ang problema sa ating ‘Judicial System’. Tumatagal ang isang kaso ng limang taon. Kapag minalas-malas ka baka sampu pa nga.

Kawawa ang taong bayan dahil ika nga ‘justice delayed is justice denied’.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with