EDITORYAL - Ilantad ang nagastos at campaign contributions
NOONG Huwebes nagtapos ang deadline sa paghaharap ng statement of contributions and expenditures (SOCE) ng mga kandidato. Pero wala pa umano sa kalahati ang mga nag-file ng SOCE. Kabilang si presidential candidate Mar Roxas sa hindi nakapag-file at humingi ng 14 na araw na extension sa Commission on Elections (Comelec). Tanging si Roxas sa mga tumakbong presidente ang hindi nakapag-file ng SOCE.
Si Grace Poe ang may pinakamalaking nagastos na umabot sa P510.8 million at sinundan ni Jejomar Binay na gumastos ng 463.3 million. Pangatlo si Rodrigo Duterte, na nanalong presidente, na umabot ang nagastos sa halagang P371.4 million at si Miriam Defensor Santiago na gumastos ng P74.6 million.
Si Vice President-elect Leni Robredo ang may pinakamalaking nagastos, P418.6 million na sinundan ni Chiz Escudero, P322 million; Alan Peter Cayetano, 189.12 million; Bongbong Marcos, P140.54 million; Antonio Trillanes IV, P61.89 million at Gringo Honasan, P26.25 million.
Nakasaad sa SOCE ang pinanggalingan ng campaign contributions at maski ang halaga ng sariling pera ng kandidato na ginamit sa pangangampanya. Nakasaad sa Comelec Resolution 9991 na ang sinumang hindi makapag-file sa SOCE sa unang pagkakataon ay pagmumultahin ng P10,000 hanggang P30,000. Sa ikalawang pagkakataon na hindi makapag-file ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P60,000 at pagbabawalan nang makatakbo sa public office.
Sa dami ng mga hindi nakapag-file ng SOCE, maraming pagmumultahin ang Comelec. Nakapagtataka naman kung bakit hindi magawang makapag-file sa tamang oras ang mga kandidato.
Nagkakaroon tuloy nang pagdududa ang marami na baka kaya hindi makasunod sa deadline ang mga kandidato sa pag-file ng SOCE ay dahil mayroon pa silang dinodoktor sa mga nagkaloob ng pera. Baka rin naman sobra-sobra ang nagastos at ginagawan ng paraan para mapababa ang nakuhang contrubutions.
Dapat namang maging mahigpit ang Comelec sa mga tumakbo sa electioin at ipatupad kung ano ang nasa batas. Hindi dapat manaig ang kagustuhan ng mga tumakbo na kung kailan maisipang mag-file ng SOCE.
- Latest