Ang kontrobersiyal na Terminal Appointment Booking System
HINDI pala natuloy ang nakatakdang preliminary hearing noong Lunes ng hapon (March 28) kaugnay sa kinukuwestiyong pagpapatupad ng kontrobersiyal na Terminal Appointment Booking System (TABS) sa Port of Manila. Sa halip mga suki, nag-manifest ang Office of the Solicitor General (SolGen) na kumakatawan kay Secretary Rene Almendras na noon “Task Force Pantalan” na ngayon ay Department of Foraign Affairs (DFA).
Ayon sa aking mga nakausap, si Almendras ay hindi “party of interest” na walang anumang dokumento na mag-uugnay kay Almendras sa kontrobersiyal na TABS, maliban sa mga naunang media interviews sa kainitan ng port congestion, hehehe! Iginiit pa umano ng SolGen representative na ang Terminal Appointment Booking System ay isang pribadong inisyatiba kung kaya malinis si Almendras, ngek! Napangiwi ang mga labi ng aking mga kausap sa naturang alibay, lalo pa nang tinuran ng Asian Terminal Incorporated (ATI) sa pamamagitan ng kanilang abogado na binigyan umano ng kapangyarihan ng Philippine Port Authority para ipatupad ang TABS.
Subalit nabigong makapabigay ng anumang dokumento sa sala ni Judge Albert Tenorio Jr., ng Manila Regional Trial Court Branch-14. Kayat upang maging malinaw at maging patas ang reklamo, binigyan ng hukuman ng 10 araw ang mga respondents na ATI at International Container Terminal Services Inc., (ITCSI) upang makapagsumite sa complaint ng mga personalidad mula sa Koalisyon Kontra TABS, na humihiling sa hukuman na magpalabas ng status que ante order o pagpapatigil ng implementasyon ng TABS, habang dinidinig pa ito sa korte.
Matatandaan na nagsagawa ng isang linggong port holiday ang mga businessmen, brokers at trucking firms sa bakuran ng Manila South Harbor bilang pagkondena sa TABS. Dahil ayon sa aking mga nakausap dobleng bayarin lamang itong TABS na hindi naman nakakatulong upang paluwagin ang pantalan. Ang pangunahing nakakaantala umano sa paglabas at pagpasok ng mga kargamento ay ang sobrang trapik sa mga lansangan at ang oras ng mga empleyadong nagbibigay ng TABS sa Manila South Harbor.
Kasi nga kung patuloy na ipatutupad lalo lamang umanong mahihirapan ang mga mamimili dahil ipapatong lang ng mga negosyante ang lahat ng gastusin sa paglalabas ng mga kargamento sa pier. Sa ngayon kasi halos lahat nang kalye sa kalakhang Maynila ay natatanuran ng mga buwayang MMDA at local traffic enforcers na humuhuthot sa mga kaawawang drayber subalit hindi naman lumuluwag ang daloy ng trapiko. Kaya mga suki, huwag kayong magsawa sa pagpadala ng impormasyon sa akin upang maisulat ko ang mga kaganapan upang maging malinaw sa madlang people. Get n’yo?
- Latest