Inosenteng buhay pa ang kabayaran
PAULIT-ULIT kong binabanggit tuwing may aksidente kung saan sangkot ang pampublikong sasakyan, na mas maganda sana kung ginagawa ng LTFRB o ng LTO ang roadworthiness inspection ng mga sasakyan, road safety seminar at drug testing ng mga drayber bago may mangyaring aksidente at hindi kapag nangyari na. Nadiskubre na ang drayber ng Valisno Express na bus na bumangga sa konkretong arko sa Quirino Highway noong Miyerkules ay positibo sa paggamit ng iligal na droga. Apat ang namatay at 18 ang nasaktan sa aksidente. Tumakas kaagad ang drayber pero nahuli rin sa kanyang tahanan sa Bulacan. Nahaharap sa patong-patong na kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to property. Kung ginawa ang regular at sorpresang drug testing sa mga drayber, hindi na sana pinamaneho, hindi na sana naaksidente, wala sanang namatay.
Bakit nakalusot ang drayber na positibo na pala sa droga? Napag-alaman pa na sangkot na rin noon ang Valisno Express sa dalawang aksidente. Hindi ba dapat mas binantayan na ng LTFRB o ng LTO ang kumpanyang ito? Ayon sa mga pasaherong nakaligtas, mabilis ang takbo ng drayber at sinabihan pa daw siya na bagalan. Pero kung nakadroga nga, anong matinong pag-iisip ang maaasahan sa ganitong tao? Siguro naman hindi na pahahawakan ng manibela ang taong ito, kung makalabas pa ng bilangguan sa dami ng kasong hinaharap.
Hindi maintindihan nang maraming drayber ng pampasaherong sasakyan na responsibilidad nila ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. Ang alam lang gawin ay paandarin ang sasakyan, pihitin ang manibela at tapusin ang ruta. Parang wala pang pakialam kung maaksidente dahil alam na sasagutin naman ng kumpanya. Ilang buhay na ang nawala dahil sa ganitong kaugalian. Kailangan nang maghigpit ang LTFRB at LTO para maiwasan ang mga ganitong iresponsableng drayber. Dapat mas mahigpit ang pagbigay ng lisensiya sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Propesyonal nga ang mga binibigay na lisensiya, pero wala namang karapatang magmaneho. Mga inosenteng buhay pa ang kabayaran.
- Latest