Pista ng Santo Niño
PURIHIN natin ang Panginoon ngayong ipinagdiriwang ang kapistahan ng Santo Niño Hesus at pagbisita ni Pope Francis. Idalangin natin sa Espiritu Santo na patuloy na gabayan ang Santo Papa sa kanyang misyon sa ating bansa. Ang imahen ng Santo Niño ang kauna-unahang regalo ng mga Kastila sa pagdating dito, 494 na taon na ang nakalilipas.
Ang pagsakop sa ating bansa ay umugnay ayon sa pahayag ng Salmo: “Kahit saan ay namamalas tagumpay ng nagliligtas.” Dalawang tagumpay ang pagkasakop sa atin ng mga Kastila: Ang pagtatanim sa atin ng pananampalatayang Kristiyano at pagtatanim din sa ating lahi ng karunungan at pang kalahatang kaalaman.
Kaya isapuso natin ang sinabi ni Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Efeso: “Magpasalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesus! Pinagkalooban Niya tayo ng lahat ng pagpapalang espiritwal, dahil sa ating pakikipag-isa kay Hesus.” Tayo din ay hinirang Niya bago pa likhain ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan ng Panginoon. Ang sanggol na si Hesus ay isinilang din sa ating bayan. Tulad sa isang sanggol lumaki ang ating pananampalatayang Kristiyano ayon sa mabuting aral at pag-ibig ng ating mga taga-sakop. Lumaganap ito sa ating bansa at makalipas ang mahabang panahon ay tayo naman ang nagpapalaganap ng Kristiyanismo sa mga bansa ngayon na noon ay pinanggalingan ng ating Santo Niño.
Ngayon din ang “Week of Prayer for Christian Unity” na tulad ng sinabi ni Hesus na, “Ang sinumang hindi tumanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinananahanan ng Diyos.”. Tularan natin ang kababaang loob ng isang bata.
Ang imahen ng Santo Niño ay naging kabahagi ng bawat tahanan sa ating bansa. Nagpapaalaala sa atin na si Hesus ay isinilang sa ating buhay upang patuloy Niyang ibigay sa atin ang Kanyang pagkalinga at pagmamahal.
Isaias 9:1-6; Salmo 97; Efeso1:3-6, 15-18 at Mark 10:13-16
* * *
Happy Birthday Bro. Norlito Magtibay.
- Latest