Editoryal - Sekyu ang may kasalanan
KUNG mayroon mang dapat sisihin sa nangyaring pagnanakaw sa SM Megamall noong Sabado, iyon ay ang mga guwardiya nang nasabing mall. Sila ang nagkulang kung bakit nailusot ang baril na ginamit sa pagpapaputok para matakot ang mga tao sa mall at magkagulo. Ayon sa report, isinuksok ng magnanakaw ang baril sa pundilyo ng baril. Paano makikita ng guwardiya ang baril e wala naman silang metal detector. Sa halip na metal detector, stick ang ginagamit nila na pangsundot sa bag o anumang lalagyan.
Apat ang security agencies na nagguguwardiya sa SM Megamall at dalawa rito ang sinasabing nagkulang kaya nakalusot ang mga magnanakaw na ayon sa PNP ay mga miyembro ng Ben Panday gang. Nang makapasok ang anim na magnanakaw, nagtungo sila sa hardware store at bumili ng liyabe tubo. Ang kasunod ay ang pagbasag ng eskaparate sa jewelry store at nilimas ang mga alahas doon. Mabilis na nakalabas ang magnanakaw sa mall.
Ang mga sekyu ang may responsibilidad sa lahat ng mga papasok sa loob ng mall. Kasama iyan sa kanilang kasunduan sa may-ari ng mall o establishment. Pati umano ang pagbili ng me-tal detectors o scanners ay dapat ang security agency ang sumagot. Pero hindi ito nangyayari sapagkat stick nga lang ang ginagamit ng mga guwardiya sa paghalungkat ng bag o anumang bitbit ng papasok.
Dalawang araw makalipas ang insidente sa Megamall, nagsagawa ng pag-iinspeksiyon ang Quezon City Police District (QCPD) sa SM North EDSA at napatunayan nilang walang kahandaan ang mga sekyu roon. Ayon sa QCPD, isang pulis ang nagkunwaring customer at isinuksok ang baril sa pundilyo ng pantalon. Nagdaan ito sa guard. Nakalusot ang pulis na may dalang baril.
Payo sa mga may-ari ng mall o establishment, mag-hire lamang ng security agency na may sapat na kakayahan para maprotektahan ang gusali at mga customer. Piliin ang mga agency na may makabagong gamit gaya ng scanner at metal detector.
- Latest