Kalingang Bumbero Helpline, inilunsad ng BFP
MANILA, Philippines — Hindi lamang sunog ang tututukan ng mga bumbero kundi magjng ang mga tauhan na may personal na pinagdaraanan.
Ito naman ang tiniyak ng Bureau of Fire Protection-NCR kasabay ng paglulunsad ng programang Kalingang Bumbero Mental Health Hotline katuwang ang National Center for Mental Health (NCMH).
Pinangunahan kahapon nina DILG Sec. Benhur Abalos at BFP NCR Regional Dir. Nahum Barba Tarroza ang paglagda sa MOA para sa implementasyon ng programa.
Sinabi ng BFP na layon nilang magbigay ng lifeline sa mga taong may mabigat na dinaranas sa buhay at nag-iisip nang wakasan ito.
Tinukoy ng BFP ang nananatiling mataas na kaso ng suicide attempts sa bansa na nais nitong mapigilan sa pamamagitan ng mental health initiative.
Sa datos ng NCMH, nasa 30% ng natatanggap nilang tawag ay suicide-related calls.
Pinuri naman ni Sec. Abalos ang inisyatibong ito na isa pang paraan aniya para makasagip ng buhay ang BFP.
Sa ilalim ng programa, may 40 psychometrician at pyschologists ang idedeploy para tumugon sa magiging tawag sa helpline 24/7.
Para sa mga nais dumulog sa Kalingang Bumbero Hotline, maaaring tumawag sa numerong 09624584BFP.
- Latest