Beybi ibinenta sa Facebook, ina arestado
MANILA, Philippines — Ikinabahala ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglaganap ng bentahan ng sanggol gamit ang social media platform na Facebook.
Ito ay matapos na maaresto ang dalawang indibiduwal kabilang ang isang ina na sangkot sa pagbebenta umano ng 8-araw na sanggol online sa Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay PNP-WCPCO chief PCol. Renato Mercado, nadakip sa entrapment operation sa isang simbahan sa Cavite ang isang ina at broker nito na nagbenta umano sa sanggol ng una sa halagang P90,000. Ang dalawa ay kasalukuyan nang nakakulong sa Camp Crame.
Sa isinagawang pulong balitaan kahapon, nagpahayag ng pagkaalarma si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga “unauthorized adoptions” sa pamamagitan ng Facebook marketplace, kung saan ipino-post lamang ng mga magulang ang kanilang mga sanggol online para sa maibenta sa mga gustong mag-adopt ng bata.
May mga magulang din umanong naghahanap ng mga bata na maaampon sa pamamagitan ng social media.
Ani Gatchalian, ang pagpapaampon sa labas ng panuntunan ng National Authority for Child Care ay maituturing na krimen. Hindi aniya rason ang kahirapan upang ibenta ang mga anak.
Nabatid na sa ngayon, nasa 20-40 social media page na sangkot sa bentahan ng sanggol o nagkakaroon ng palitan ng mga sanggol.
“Worrisome sya kasi lumalaganap, it’s a cruel form of child exploitation at common sense at basic moral,” ani Gatchalian.
Ayon naman kay DSWD Undersecretary Janella Estrada, ginawa nilang mas madali ang proseso ng pag-aampon at mas mura. Aniya, pinaikli ng pamahalaan ang proseso ng legal adoption sa anim hanggang 9 na buwan, sa mas mabilis na matching processes at pinasimpleng mga requirement.
“DSWD will prosecute to the fullest extend of the law those found to be engaging in unsanctioned adoptions over social media platforms,” dagdag pa ni Gatchalian.
- Latest