Engineer arestado sa P5 milyong extortion
MANILA, Philippines — Isang inhinyero ang inaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Criminal investigation (QCPD-CIDU) matapos ireklamo ng pangingikil ng P5 milyon ng isang insurance agent at isang negosyante kamakalawa ng gabi.
Himas-rehas ang suspek na kinillang si Guadalou Davis Dela Fuente, 58, civil engineer at residente ng Block 82 Lot 23 Bida Sari Street, Brgy. Greater Lagro, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PCpl Jojo Antonio ng QCPD-CIDU, unang nagtungo ang mga biktimang sina Lea Galban Cardeno 59, insurance agent at Emylu Calvario Gimeno, 60, negosyante sa QCPD PS-16 upang ireklamo si Dela Fuente ng umano’y pangingikil.
Ayon sa mga biktima, nag-invest sila ng P13 milyon sa suspek para sa construction materials.
Matapos ito, humihingi sila ng mga update sa suspek para sa kanilang investment subalit walang tugon ang huli.
Alas-2 ng hapon nitong Huwebes nang pagbantaan umano sila ng suspek na hindi ibabalik ang kanilang investment kung hindi magbibigay ng P5 milyon.
Dito na kumilos ang QCPD PS-16 sa pangunguna ni PLt. Col Reynante Parlade at QCPD-CIDU chief PMaj. Don Don Llapitan at ikinasa ang entrapment operation.
Sa loob ng isang fastfood chain sa Quirino Highway, Brgy. Greater Lagro, Quezon City dinakip ang suspek.
Sasampahan ng kasong robbery extortion ang suspek.
- Latest